Bagong gun ban panel chair iaanunsyo ngayong Miyerkules – Garcia

Bagong gun ban panel chair iaanunsyo ngayong Miyerkules – Garcia

April 13, 2022 @ 11:31 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Posibleng ianunsyo ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) ang papalit kay Commissioner Socorro Inting bilang chairperson ng Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) kasunod ng pagbitiw niya sa pwesto nitong Martes, ayon kay Commissioner George Garcia.

Sinabi ni Garcia na matatalakay ang pagbitiw sa pwesto ni Inting sa en banc meeting lngayong araw, subalit titingnan muna nila kung makukumbinsi ito na magbago ang isip.

“Mamaya po pag-uusapan namin ‘yan at maaring mamaya rin po ay ating maa-announce kung sino ang hahalinhin kay Commissioner Inting o baka naman sakaling makumbinsi pa si Commissioner Inting din na huwag nang bitawan ang pagiging chairman ng committee,” ani Garcia.

Nagbitiw sa pwesto si Inting kasunod ng desisyon ng en banc na bigyan ng awtoridad si Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na magbigay ng gun exemptions at ilagay ang ilang lugar sa ilalim ng kontrol ng poll body sa “meritorious and urgent cases.”

Aniya, “it essentially rendered futile or pointless the existence and functions of the CBSFC.”

Ayon naman kay Garcia, nagulat siya sa desisyon ni Inting.

Siniguro naman niya na hindi ito makaaapekto sa implementasyon ng election gun ban.

“Wala naman po. Tuloy tuloy ‘yung pag-proseso natin. Tuloy tuloy ‘yung pag-release ng mga authority, so hindi naman naapektuhan ‘yun. Hanggang kahapon naman, gumagana, active, at andiyan ang ating Commissioner Socorro Inting, ‘yung chairman ng gun ban committee,” paliwanag niya. RNT/SA