BAGONG KABANATA

BAGONG KABANATA

July 4, 2022 @ 10:58 AM 1 month ago


NANUMPA na si Ferdinand Marcos, Jr. bilang ika-17 Pangulo ng PIlipinas.

Kumikinang ang mga ngiti at habang kumakaway sa mga nanonood, sa harap ng punong mahistrado ng Korte Suprema ay nangako si Pangulong Marcos na ang mga pangarap ng bawat Pilipino ay pangarap niya rin.

Nagpaliwanag din siya kung bakit mas pinili niyang huwag makipag-debate at hindi masyadong lumabas sa media noong panahon ng kampanyahan.

Naniniwala raw sya na sapat na ang menshahe ng “unity” o pagkakaisa para maiparating ang kanyang plataporma at mga plano.

Diniinan din niya na mas mahalaga ang pagtanaw sa kinabukasan kesa sa tanawin ang mga nakaraan.

Lahat naman tayo ay gusto na umangat at umunlad ang Pilipinas.

Na magtagumpay ang bawat Pilipino at maabot ang mga pangarap, siyempre kasama na ang Pangulo ng Pilipinas at ang kabuuan ng gobyerno.

Sira-ulo na lang siguro ang isang Pilipino na gugustuhin niyang pumalpak ang isang tao, o sumadsad sa kahirapan ang bayan niya.

At ‘yan ang pinakamahalagang hamon ng admnistrasyon ni Bong-Bong.

Na sa harap ng patong-patong na krisis ng gyera sa Ukraine, ang bumabagsak na piso at nagtataasang presyo ng gasolina at mga bilihin.

At dahil hindi pa nga lubos na tapos ang pandemya, hindi maiiwasan na maitanong – paano nga ba mararamdaman ng ordinaryong Pilipino na nagbubunga na ang “pagkakaisa” para tugunan ang kahirapan?

Habang sinusulat ko ito, halos kumpleto na ang mga miyembro ng gabinete ni BBM.

Pero meron pang ilang kagawaran ang hindi pa napa-ngalanan ang bagong Kalihim. Ilan diyan ang DENR, DOH, DoE at DHUD.

Kalikasan, Kalusugan, Enerhiya at Pabahay.

Mukhang nahihirapang pumili ng kanyang taga-pamahala si Bong Bong sa mga ahensyang ito.

Sa mga susunod na kolum ko na lang tatalakayin kung paano lalaro ang pulitika at kaunlaran sa mga usaping ito.

Sa ngayon, nagmamasaid ang mahigit 110 milyong Pilipino kung saan tayo dadalhin ng bagong kabanatang ito ng ating kasaysayan.

Kasihan nawa tayo ng Diyos.