Bagong labor pact may dagdag-proteksyon sa mga pribadong kasambahay ng Pinoy diplomats



Bagong labor pact may dagdag-proteksyon sa mga pribadong kasambahay ng Pinoy diplomats

June 11, 2021 @ 7:27 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Magkakaroon ng mas maayos na proteksyon at mas mataas na sahod ang mga pribadong kasambahay ng mga Filipino diplomat na nasa ibang bansa sa bagong government labor agreement.

Sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) kailangan nang makakuha ng permit sa parehas na ahensya ang mga kasambahay na ipadadala sa ibang bansa.

Itinaas din ng US$600 kada buwan ang sahod ng isang pribadong tauhan mula sa dating US$400.

Magkakaroon din ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, membership sa Overseas Workers Welfare Administration, insurance coverage kung saan kasama ang anumang medical/hospitalization costs na hindi sakop ng insurance, at 15 araw na paid leave kada taon ang mga ito.

Nakasaad din sa Joint Guidelines ang treatment standard “to ensure that Private Staff work under humane conditions and are protected from any kind of abuse and any form of maltreatment.”

Matatandaang sinibak ni Pangulong Duterte si Foreign Service Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro matapos saktan ang kasambahay nito.

Ang mga pribadong tauhan ng mga Foreign Service Personnel at overseas representatives ng mga ahensya ng gobyerno ay sa ilalim ng private employer-employee relationship.

“With the signing of the MOU, they will have to go through the Philippine Overseas Employment Administration like other OFWs,” ayon sa DFA.

Kailangan ding sumailalim sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) ang mga ipadadalang kasambahay bago umalis ng bansa sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration. RNT/ELM


  •  
  •  
  •