Bagong laya, balik-selda sa droga

Bagong laya, balik-selda sa droga

January 30, 2023 @ 1:27 PM 2 months ago


ARITAO, NUEVA VIZÇAYA – Balik kulungan ngayon ang isang 43 anyos na binata matapos maaresto sa isinagawang drug buy bust operation sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Jose Allan Pobre y Tucay, walang trabaho at residente ng Barangay Banganan sa nasabi ring bayan.

Ayon kay PCol. Camlon Nasdoman, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, nagsagawa ng buy- bust operation ang mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit at Aritao Police Station malapit sa Florida Bus Terminal, National Highway, Banganan na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek matapos nitong bentahan ang isang pulis na nagpanggap na poseuer buyer ng halagang Php1,500 ng hinihinalang shabu.

Narekober mula sa suspek ang marked money at ibat- ibang paraphernalia at isang bisikleta na hinihinalang ginagamit nito sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Bukod sa kanyang ibinenta ay nakuha rin sa kanyang pag -iingat ang tatlong plastic sachet na naglalaman din ng hiininalang shabu.

Sa kabuuan, halos humigit kumulang tatlong gramo ng shabu ang nakuha kay Pobre at may halagang P22,500.

Nahaharap ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 (Selling and Possession) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Samantala, napag- alaman na si Pobre ay dati nang nakulong ng siyam na taon sa Bilibid Prison, Muntinlupa dahil din sa kaparehong kaso at kakalaya lamang nito noong buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon. Rey Velasco