Bagong LPA namataan kasunod ng bagyong Paeng

Bagong LPA namataan kasunod ng bagyong Paeng

October 29, 2022 @ 8:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi pa man tapos ang pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng sa Luzon ay mayroon na namang isang panibagong low pressure area ang binabantayan ng PAGASA.

Ito ay namataan sa timog-silangan ng bagyo o nasa 1,700 kilometro silangan ng Mindanao.

Sa ngayon ay nasa labas pa ito ng Philippine area of responsibility ngunit inaasahang papasok at makakaapekto sa panahon ng bansa pagsapit ng Lunes, Oktubre 31.

Sa kabila nito, Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng gabi inaasahang aalis ng PAR ang bagyong Paeng.

“Samantala, meron po tayong namataan na low pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility, around 1,700 kilometers po sa silangan ng Mindanao,” ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja.

“Itong low pressure area ay posibleng pumasok ng ating area of responsibility pagsapit po ng Lunes, so bago pa matapos ang buwan ng October ay meron pa tayong weather disturbance na mino-monitor sa ngayon, at sa mga unang araw po ng Novemeber ay unti-unting lalapit sa ating kalupaan,” dagdag pa niya.

Hindi naman inaalis ng PAGASA ang posibilidad na ito ay lumakas at maging isang bagyo.

“Hindi rin natin inaalis ‘yong posibilidad na ito ay maging isang mahinang bagyo,” aniya.

Samantala, sinabi ng ahensya na hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na sunod-sunod ang mga bagyong dumaan sa bansa, na sa katunayan ay naranasan din noong 2020. RNT/JGC