Bagong Manila Zoo gagawing vaccination site ng Manila LGU

Bagong Manila Zoo gagawing vaccination site ng Manila LGU

January 16, 2022 @ 12:12 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Plano ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na buksan ang bagong Manila Zoo upang gawing isa sa kanilang “vaccination site” para sa mga menor de edad at senior citizen.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng isinagawa nilang inspeksyon sa loob ng Manila Zoo kasama sina Vice Mayor Dra. Honey Lacuna at Manila Health Department Head Dr. Arnold “Poks” Pangan kahapon.

Ayon kay Domagoso, may dalawang layunin umano ang kanilang planong proyekto dahil bukod sa mababakunahan na ang mga menor de edad at mga matatanda ay magkakaroon pa sila ng pagkakataon na makapasyal at masilip ang bagong Manila Zoo.

“Dahil sa nagre-request na mga tao sa Manila Zoo, at least magkaroon sila ng sneak peek. At marami naman na ang mapapasyalan dito – open air, maaliwalas,” ani Domagoso.

“At the same time, di kami nakiligaw sa goal which is proteksyon ng tao, ‘yung added proteksyon,” dagdag pa ni Domagoso na isa sa mga presidential aspirant sa darating na 2022 national election.

Nabatid kay Domagoso na upang matiyak na mahigpit na masusunod at maipapatupad ang mga health protocols, lilimitahan nila ang pagpasok sa Manila zoo ng 500 o hanggang 1,000 katao lamang.

“Nakita namin today ni Vice Mayor Honey at Doc Pok, na-approve sa ating nga doctor, itong lugar ng Manila Zoo as vaccination center. Open space vaccination area, tapos maaliwalas pa. Ila-launch din natin website ng Manila Zoo, para dun magparehistro yung gusto,” ani Domagoso.

Ayon pa kay Domagoso, tulad ng mga naunang pagbabakuna ng lokal na pamahalaang lungsod ay gagawin din nila itong “open policy” o maaaring magpabakuna ang mga residente at hindi residente ng lungsod sa bubuksang vaccination site sa Manila Zoo. JAY Reyes