Bagong mascot ng BIR, target magpataas ng koleksyon

Bagong mascot ng BIR, target magpataas ng koleksyon

February 15, 2023 @ 2:44 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipinakilala na ng Bureau of Internal Revenue nitong Martes, Pebrero 14 ang bago nitong mascot na naglalayong pataasin pa ang koleksyon ng ahensya.

Ang mascot ay pinangalanang si Revie, na hango sa salitang ‘revenue’, ay mascot version ng BIR chatbot na sumasagot sa mga frequently asked questions patungkol sa buwis.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr, target ng ahensya na makakolekta ng P2.599 trilyon na buwis ngayong taon.

Batay sa performance ng BIR nitong Enero, on-track naman ang ahensya sa target nito.

Noong nakaraang taon ay nakakolekta ang BIR ng P2.335 trilyon.

“Now with REVIE, it may not have a direct relation with our collection, but indirectly, si REVIE kasi will be of assistance to the taxpayers. We know if we improve, as I’ve been saying, more and more people will comply. That is our theme,” ani Lumagui.

Idinagdag niya na layunin din ng ahensya ang digitalization ngayong taon upang mapataas pa ang compliance.

“When we provide excellent taxpayer service, people will find it very convenient to transact with us and they will voluntarily comply with their tax obligations. That is our main purpose and objective of launching all digital services that aim to improve the processes for the convenience of the taxpayers,” pagbabahagi ni Lumagui.

Mayroon umanong tatlong estratehiya ang ahensya upang mapabuti ang revenue collections: taxpayer service excellence kabilang ang digitalization at Revie initiative; propesyonalismo at integridad, kabilang ang crackdown sa mga tiwaling empleyado ng BIR; at enforcement, o paghabol sa mga tax evaders.

Umaasa si Lumagui na magamit si Revie para makatanggap ng mas marami pang datos na makatutulong sa crackdown nila sa mga empleyado ng BIR na hindi maganda ang pakikitungo sa tax payers. RNT/JGC