Bagong mukha ng Manila Bay bukas na sa publiko

Bagong mukha ng Manila Bay bukas na sa publiko

September 19, 2020 @ 11:54 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Binuksan sa publiko ng Department of Environment and Natural Resources ang  Manila Bay  ngayong araw  upang masilayan at makapag selfie sa bagong mukha nito na puno ng  “dolomite” o white sand  kasabay ng isinagawang International Coastal Clean Up Day.

Sa kanyang maikling talumpati, sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu, na ipinagmamalaki nito na ang kanilang ahensya ang lead agency para sa nasabing proyekto.

Kaya naman nagpapasalamat ito sa lahat ng mga sumusuporta sa Manila Bay rehabilitation lalo  na sa paglalagay ng dolomite sand kung saan makaaakit ito ng maraming turista na maaaring makatulong naman sa paglago ng ekonomiya mula sa pandemya.

Ayon pa kay Cimatu, hiniling nito  kay Manila Mayor “Isko Moreno”  Domagoso  na magtayo ng dalawang modernong comfort room at ang lumang comfort room ay gagawin na lang na “souvenir shop” upang ang mga nagtitinda sa  Manila Bay ay makapagtinda  at ‘di mawalan ng hanapbuhay.

Dagdag pa ng kalihim, ang pinakamalaking concern ngayon na ginagawa ng ahensya ay ang pag-uugali o behavioral  change at cultural change  para malaman ng mga tao ang tamang pagtatapon ng basura.

Sinabi naman si DILG  Usec Epimaco Densing na suportado ng kanilang ahensya ang  proyekto ng DENR  dahil ang kanilang ginagawa ay may koneksyon sa ekonomiya.

Punto naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III  na hindi nito inaasahan na makikita niya ang  Manila Bay  na ganun na ang itsura.

“One day Manila Bay back to each old glory,” ayon pa kay Bello.

Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga miyembro ng Lions Clubs International District 301-A2 Philippines sa pangunguna ni District Governor Benny Antiporda, 2PMJF; MMDA Chairman General Danilo Lim, ang mga kinatawan ng Department of Agrarian Reform, Department of Tourism, National Economic and Development Authority at iba pang ahensya ng gobyerno.

PINANGUNAHAN ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary at District 301-A2 District Governor Benny Antiporda ang isinagawang paglilinis sa Manila Bay bilang pakikiisa sa International Coastal Cleanup Day.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Dumating si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nakiusap sa mga bumabatiko sa dolomite white sand na huwag idamay ang Maynila sa pulitika.

“Maraming salamat sa dolomite, napag-uusapan at napo-promote ang lungsod ng Maynila.”

Ito ang pabirong banggit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na isa sa mga pangunahing panauhing pandangal sa ginanap na “International Coastal Cleanup 2020” sa Manila Bay ngayong araw.

Ayon kay Domagoso, napakaling bagay sa lahat ng Manilenyo ang okasyong ito dahil ilang dekada na umanong hindi nabibigyang pansin ang paglilinis sa nasabing look.

Pinasalamatan naman ng alkalde si Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamumuno ni Sec. Roy Cimatu dahil tinuldukan umano nila ang matagal nang suliranin hinggil sa basurang nakatambak sa Manila Bay na ikinibit-balikat lamang umano ng mga nagdaang administrasyon.

Nanawagan naman si Domagoso sa mga Manilenyo gayundin sa mga dadayo sa lungsod na kung darating kayong malinis sa inyong pupuntahan sa Maynila, umalis din kayo na malinis. Maging responsable aniya tayong mamayan sa ating lungsod.

“Tulong-tulong, pagkakaisa, pagkakaunawaan at pagmamalasakit sa kapwa yan ang paalala sa atin ng Manila Bay,” ani Domagoso sa publiko.

Ayon naman kay DENR Usec Benny Antiporda, bukas ang Manila Bay sa publiko hanggang mamayang alas 6 ng hapon at muli itong bubuksan bukas sa ganap na alas-5 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Pagkatapos nito, muling isasara sa publiko ang Manila Bay para tapusin ang paglalagay ng dolomite sa  500 metro.

Ayon pa kay Usec Antiporda, natapos na ang 120 x 60 metro o katumbas ng 7,200 metro kuwadrado.

Mayroon pa umanong 390 metro na kasunod at ‘yun ang phase 2 kaya sa kabuuan ay nasa 3 ektarya  o humigit kumulang sa 30,000 metro kwadrado ang tatambakan ng dolomite.

“Ganun po kalaki  ang white beach natin and looking forward naman na magustuhan ng taumbayan ‘to,” ayon pa kay Antiporda.

Sa nasabing event, mahigpit na ipinatupad ang social distancing sa mga nagsidalo at nakabantay ang mga kapulisan para sitahin ang mga lumalabag sa health protocols. Jocelyn Domenden/Lea Botones/ Jay Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...