Bagong NBI chief pinangalanan na!

Bagong NBI chief pinangalanan na!

July 5, 2022 @ 1:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – May bago nang itinalagang mamumuno sa National Bureau of Investigation (NBI) sa katauhan ni NBI Asst. Dir. Atty. Medardo de Lemos.

Batay ito sa kumpirmasyon ni Justice Sec. Jesus Remulla sa inilabas na Department Order.

Papalitan ni de Lemos si dating Dir. Eric Distor.

Nabatid na mula noong 1985 ay nasa NBI na si de Lemos at Assistant Director sa nakalipas na 12 taon.

Sa kanyang pagkakatalaga, agad na nakipagpulong si Remulla kaugnay sa kinukwestyong pagkamatay ng ilang inmates ng New Bilibid Prison o NBP.

Ayon kay Atty. Mico Clavano, mula sa Office of the Secretary ng DOJ, nais ni Remulla na ma-validate o mapatunayan ang mga impormasyon na naipresinta na ukol sa pagkasawi ng walong high-profile inmates ng Bilibid at malaman ang iba pang detalye.

Maalala na nagsampa ang NBI sa DOJ ng reklamong murder laban sa 22 pulis ng National Capital Region Police Office o NCRPO na nakatalaga sa Bureau of Corrections, kaugnay sa pagkamatay ng 8 Bilibid inmates na unang sinabing nasawi dahil sa COVID-19.

Sa imbestigasyon ng NBI, maaaring ginamit lamang ang COVID-19 para pagtakpan ang pagkamatay ng mga inmate.

Ginawa ang pagsisiyasat ng NBI alinsunod sa utos ng DOJ noong July 2020, matapos ang pagkasawi ng isa sa mga high profile inmate na si Jaybee Sebastian. Jocelyn Tabangcura-Domenden