Bagong online registration platform sa biyahero sa Pinas ipinakilala

Bagong online registration platform sa biyahero sa Pinas ipinakilala

December 2, 2022 @ 1:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinakilala ng pamahalaan ang bagong online registration platform para sa mga incoming travelers.

Ito ay nagsimulang ipinatupad ngayong Biyernes, Disyembre 2, mahigit isang buwan ang nakalilipas nang ipatupad naman ang paggamit ng eArrival card.

Matatandaan na noong Oktubre ay ipinatupad ang paggamit ng eArrival card sa mga byaherong papasok ng bansa.

Sa anunsyo ng Office of the Press Secretary nitong Huwebes, Disyembre 1, sinabi na layon nito na pagsamahin ang quarantine at immigration arrival requirements.

Batay pa sa anunsyo, ang mga pasahero na bibisita sa website na www.onehealthpass.com.ph ay dadalhin na sa bagong website ng eTravel.

Ang eTravel platform ay magsisilbing electronic version ng Arrival Card na ipinapasa ng mga babiyahe papasok ng bansa para sa kanilang immigration clearance.

Dagdag pa, simula Disyembre 5 ay hindi na magagamit ang lumang website ng One Health Pass at hindi na rin itutuloy ng Bureau of Immigration ang paggamit ng pisikal na Arrival Card.

Matatandaan na noon ay ginamit ang website ng One Health Pass na nagsilbing electronic health declaration ng mga byahero at nagamit din sa pagpapatupad kamakailan ng eArrival card. RNT/JGC