BAGONG PARAÑAQUE MAYOR DUMARAMI ANG KAAWAY

BAGONG PARAÑAQUE MAYOR DUMARAMI ANG KAAWAY

July 13, 2022 @ 6:16 PM 1 month ago


HINDI pa man nag-iinit ang pang-upo ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez sa puwesto ay marami na siyang nagiging kaaway na karamihan umano ay sumuporta sa kanyang kandidatura.
Sa pinakahuling impormasyon ng ating “Marites”, lima sa 16 na kabuuang bilang ng mga opisyal ng barangay ang tuluyan na raw bumitaw ng suporta sa alkalde na na ang mga lugar na mayroong pinakamalaking bilang ng mga botante.
Kabilang umano sa nag-withdraw na ng suporta kay Mayor Eric sina Barangay Chairmen Julius Anthony Zaide ng Brgy. Baclaran, Peter Velasco ng La Huerta, Johnny Co ng Sto Nino, Christopher Aguilar ng Marcelo Green at John Paolo Marquez ng Brgy. BF na anak ng aktor na si Joey Marquez, na hindi nagustuhan ang ginawang pagsibak, paglilipat at pag-demote sa napakaraming opisyal at kawani ng city hall na napakatagal naglilingkod sa lokal na pamahalaan at ang ilan ay sa panahon pa ng ama nitong si si Dr. Pablo Olivarez.
Napaulat na naghain na raw ang anim na career officials na humahawak sa ilang mga departamento sa city hall ng reklamo sa Civil Service Commission dahil sa umano’y hindi makatarungang paglilipat at pag-demote sa kanila nang hindi malinaw at walang paliwanag.
Mistulan din daw na ipinahiya ni Olivarez ang mga opisyal at kawani nang i-anunsiyo sa publiko ang kanilang pag-alis sa puwesto nang hindi muna sinabihan. Tanong pa nga raw ni Chairman Aguilar, kung sa mga opisyal ay madali lang masibak, eh di lalo na ang mga maliliit na casual at job order employees?
Ang nakapagtataka lang, pawang mga tapat na naglingkod sa panahon ni Mayor Edwin Olivarez ang mga na-demote at nasibak na mga kawani kaya kung papalitan sila, sana ay binigyan naman ng notice o konsiderasyon.
Baka naman may kaugnayan ang pag-demote at pagsibak sa mga mga empleyado sa relasyon ng magkapatid?
Dapat lang namang ibakante ng mga dating opisyales ni former Mayor Edwin ang kanilang posisyon dahil co-terminus sila sa una kahit pa sila kapatid o ama ng nanalong alkalde.
Kaya lang, sana ay naging maayos ang ginawang pag-aabiso sa mga masisibak sa puwesto para hindi naman sumama ng husto ang loob ng mga sinibak dahil feeling nila, parang nabale-wala ang matagal na panahong ipinaglingkod nila sa publiko bilang mga opisyal ng hinahawakang departamento sa lokal na pamahalaan.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428 @gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.