Bagong PH envoy to Japan itinalaga ni PBBM

Bagong PH envoy to Japan itinalaga ni PBBM

August 12, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating mambabatas na si Mylene Garcia-Albano bilang bagong Philippine envoy to Japan.

Sa isang Facebook post ng state-run Radio Television Malacañang (RTVM), inanunsyo nito na nanumpa sa tungkulin si Garcia-Albano bilang Philippine Ambassador to Japan sa harap mismo ni Pangulong Marcos.

Ibinahagi rin ng RTVM ang short video clip ng oath-taking rites sa Reception Hall ng Malacañan Palace, araw ng Huwebes.

Maliban kay Garcia-Albano, nanumpa rin sa harap ng Pangulo sina Aileen Anunciacion Zosa bilang Pangulo at chief executive officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Olivia “Bong” Coo bilang commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC).

“President Ferdinand R. Marcos Jr. administers the oath of office to three government officials in a ceremony at the Reception Hall in Malacañan Palace on August 11, 2022,” ayon sa RTVM.

Si Garcia-Albano ay dating kinatawan ng Davao City 2nd District, habang si Zosa ay nagsilbi bilang BCDA executive vice president at chief operating officer bago pa ang kanyang posisyon.

Sa kabilang dako, ang appointment ni Coo ay unang inanunsyo ng Malakanyang noong nakaraang buwan.

Si Coo ay five-time Asian games gold medalist, 14-time Asian champion at eight-time Southeast Asian games gold winner. Siya ay miyembro ng National at International Hall of Fame.

Samantala, nakipagkita naman si Pangulong Marcos kay outgoing Norwegian Ambassador Bjørn Staurset Jahnsen sa Malacañan Palace.

Sa kanyang official Facebook page, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang mga larawan niya kasama si Jahnsen na nag- farewell call sa kanya.

“We welcome Norwegian Ambassador Bjørn Staurset Jahnsen for a farewell call in Malacañang as he concludes his tour of duty in the Philippines. We commend Ambassador Jahnsen for his efforts to strengthen bilateral relations between the Philippines and Norway during his stint as envoy,” ayon kay Pangulong Marcos.

Pinag-usapan naman nina Pangulong Marcos at Jahnsen ang climate change, Bangsamoro peace process at plano ng Norway na magdala ng mas maraming investments sa Pilipinas partikular na ang renewable energy, ayon sa RTVM sa hiwalay na Facebook post.

Si Jahnsen ay itinalaga bilang Norway’s ambassador to the Philippines noong 2018. Kris Jose