Bagong polisiya vs isa pang ‘Poblacion Girl’ incident ikakasa ng NCR LGUs

Bagong polisiya vs isa pang ‘Poblacion Girl’ incident ikakasa ng NCR LGUs

January 5, 2022 @ 2:24 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Tatalakayin ng local government units sa Metro Manila ang mga panukala na dapat pang ipatupad upang maiwasan ang panibagong insidente ng paglabag sa quarantine protocols sa hotels, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos nitong Miyerkules.

Inihayag ni Abalos ang pagkabahala sa insidente kamakailan kung saan isang returning overseas Filipino mula sa Estados Unidos na nagngangalang Gwyneth Chua, ang tumakas sa kanyang hotel quarantine upang dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati City noong Disyembre.

Aniya, hindi lamang Department of Tourism ang dapat tumugon dito kundi maging iba pang ahensya.

“Hindi lang siguro tungkol diyan sa on the level nila Sec. Berna pero pag-uusapan natin dito anong imposition ang puwedeng magawa ng mga local government units dito sa mga hotel na ganito. Pag-uusapan ‘yan,” sabi ni Abalos sa isang forum.

Naniniwala rin si Abalos na kinakailangan ang pwersa ng pulisya upang masigurong hindi na mauulit ang insidente.

“If the hotels themselves, they cannot do that, probably puwede tayong patulong sa pulis… Iilan lang naman ‘yan eh, ‘di ba?” giit  ni Abalos.

Sa kasalukuyan ay sinuspinde na ng Department of Tourism ang akreditasyon ng Berjaya Makati Hotel kasunod ng paglabag ni Chua sa quarantine protocols.

Inalisan din ng DOT ang permit ng naturang hotel sa pagpalya nito na pigilan ang pagtakas ni Chua sa kanyang quarantine. RNT/SA