Bagong saltang binata binistay ng bala ng tandem sa Bulacan

Bagong saltang binata binistay ng bala ng tandem sa Bulacan

September 30, 2022 @ 7:59 PM 2 months ago


BULACAN – Patay ang 43 anyos na binatang construction worker matapos pagbabarilin ng maskaradong riding in tandem sa harapan ng isang kainan sa bayan ng Hagonoy.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Alejandro De Guzman Jr, alyas Muslim, residente ng Looban Brgy. Sta Elena ng naturang bayan.

Sa report ng Hagonoy police, nangyari pamamaril ng riding in tandem bandang alas 9:30 ng gabi nitong Setyembre 28 sa harapan ng isang restaurant sa Brgy. San Pablo.

Ayon sa report, isang tawag sa cellphone ang kanilang natanggap mula sa Bantay Bayan na may hindi nakilalang riding in tandem ang namaril ng isang lalaki sa lugar.

Base sa impormasyon, nakasuot ng blue long sleeve, maong shortpants, white helmet ang rider habang ang angkas na namaril ay naka-blue stripe long sleeves at nakatakip ng cloth mask ang mukha.

Sa kuha ng CCTV, may kausap ang biktima sa harapan ng isang restaurant nang biglang may dumating sa kanilang harapan na magka-angkas sa motorsiklo.

Walang habas na pinagbabaril ng angkas ang biktimang napatakbo hanggang sa napasubsob sa lapag subalit hindi pa nakuntento nang bumaba sa motorsiklo at muling pinaputukan ito.

Mabilis na tumakas ang tandem sa direksyon ng Paombong habang ang biktima ay isinugod ng Hagonoy rescue sa Emilio District Hospital subalit binawian na ito ng buhay.

Dahil dito, agad rumesponde sa lugar ang mga awtoridad hanggang sa nagsagawa ng dragnet operation at nag-flash alarm para mahuli ang tumakas na tandem.

Sinasabing bagong salta lamang sa lugar ang napatay na nagtatrabaho sa kalapit na kainan na pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad sa mga salarin. Dick Mirasol III