Nakagagalak at nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes na nananatiling prayoridad ang pagpapapasok ng ikatlong major telecommunication services provider sa bansa.
Iyan ang bagay na hindi puwedeng isantabi dahil alam ng ama ng bansa na masidhi ang pangangailangan sa serbisyong panteknolohiya sa pang-araw-araw na pamumuhay sa panahon ngayon.
Nakasalalay sa modernong komunikasyon ang ating kabuhayan, kalakalan, kapakanan ng pamilya, edukasyon, transportasyon, operasyon ng pamahalaan, kaligtasan at marami pang aspeto ng ating buhay.
Maraming malalaki at maliliit na negosyo ang nakasalalay sa telco operations.
Hindi na kailangan na ipagdiinan pa ang pangangailangan sa ikatlo o higit pang mga telecom firm na makapagbibigay ng mas mabuting serbisyo at makapag-aangat sa pangkalahatang kalidad ng telecom industry.
‘Di sana natutulog sa pansitan ang mga kinauukulan sa pangunguna ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at tutukan na ang paggawa ng final terms of reference o selection rules na pagbabatayan sa pagpili ng bagong telco sa bansa.
Kinakatigan ko na ang mga naninindigan na dapat mapili ang nag-aalok ng pinakamataas na kalidad ng serbisyo hindi yung nagbebenta nga ng mas mura sa serbisyo ng Globe at Smart ngunit palpak din pala.
Umaasa tayo na maiibsan ang mahinang signal sa pagpapadala ng text, call at napakapagal na internet na ibinibigay ng mga kasalukyang service provider.
Sabihin pa, talo pa tayo ng ibang mga ASEAN neighbor natin sa larangan na ‘yan.
It’s about time na umunlad na ‘yang public service ng telecom industry natin. – DEADSHOT NI ERWIN TULFO