Bagong transport terminal sa Ayala binuksan na

Bagong transport terminal sa Ayala binuksan na

November 19, 2022 @ 9:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Binuksan na ng Department of Transportation (DOTr) at Ayala Land Inc. ang pinakabagong bus terminal na magsisilbing Ayala bus stop ng EDSA Busway System at iba pang city bus nitong Biyernes, Nobyembre 18.

Simula ngayong araw, Nobyembre 19, ang
One Ayala, isang transit-oriented development ng Ayala Land na matatagpuan sa kanto ng Ayala Avenue at EDSA, ay magsisilbi nang Ayala stop ng EDSA Bus Carousel.

Magkatuwang ang DOTR at Ayala Land sa paglilipat ng naturang bus stop mula sa dating pwesto nito na nasa gilid lang ng EDSA.

“I would like to express my gratitude to Ayala Land Inc. for supporting the interests of our commuters through this modern facility as a sign of our commitment to reforming our public transport infrastructure,” sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista kasabay ng inauguration ceremony.

Ayon kay Ayala Land president and CEO Bobby Dy, ang One Ayala intermodal transport hub ay makapagsisilbi ng mahigit 300,000 mananakay araw-araw.

Magkakaroon din ito ng mga point-to-point buses at southbound city buses patungong FTI, Alabang, Sta. Rosa-Balibago, and Biñan.

Magkakaroon din ito ng direct access mula sa Ayala Station ng MRT3 simula Disyembre 1.

“The opening of the One Ayala Terminal is an important contribution to the objectives of the Department in terms of providing seamless travel—through interconnectivity—for EDSA Busway commuters, which has a recorded ridership of more than 350,000 daily,” pahayag ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor.

Maliban sa terminal, magkakaroon din ito ng BPO, retail at hotel sa oras na matapos. RNT/JGC