BAGSAKAN NG AGRI PRODUCTS PALAKASIN

BAGSAKAN NG AGRI PRODUCTS PALAKASIN

July 25, 2022 @ 3:18 PM 2 weeks ago


SERYOSO si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  sa ideya na ang pagpapalakas ng ag­rikultura ang ta­nging solusyon upang ma­tugunan ang ka­kula­ngan sa pagkain at mapababa ang presyo nito sa merkado sa bansa.

Kaya naman inupuan ng Pangulo ang Department of Agriculture habang wala pang karapat-dapat na kalihim na si­yang magpapatupad ng malawakang pagbabago  alinsunod sa kanyang pa­ngako bago pa ang eleksyon – ang pagkakaroon ng isang self sufficient na bansa sa usapin ng agrikultura.

Ngunit  kaakibat sa programang ito ang malawakang paglalagay ng mga bagsakan o food terminals sa ilang bahagi ng bansa kung saan maibebenta ng mga magsasaka ang kanilang produkto sa makatuwirang presyo sa mga mamimili.

Ito ‘yung nais mangyari ni Pangulong Bongbong na ipinatupad noon ng kanyang yumaong amang si Apong Ferdie kung saan ginawang bagsakan ng agri-pro­ducts ang halos 70 hektaryang food terminal sa Alabang ngunit ibinenta naman ang halos 30 hektarya noong panahon ni  dating Pangulong Corazon Aquino.

Hindi lang mura ang ­bigas noon at iba pang pro­dukto sa pagsasaka noong dekada 70 hanggang unang bahagi ng dekada 80 kundi sa atin pa umaangkat ang ibang ban­sa ng tone-tonela­dang bigas sa panahon ni Apo Ferdie.

Hindi tulad ngayon na ordinaryong pangitain na lang ang pagtatapon ng mga magsasaka ng mga nabubulok na produkto nila kagaya ng nakita ng taumbayan sa mga post na bulok na kamatis bunsod sa kung hindi barat ang ilang buwayang uma­angkat nito, kulang sa bagsakan ang ilang bahagi ng bansa na mapagbebentahan lalo na na ang maliliit na magsasaka.

Bukod pa riyan ang suliranin ng Baguio gro­wers ngayon na tone-toneladang carrots at iba pang gulay ang itinata­pon na lang sa kalsada kapag nag-over supply sa Kamaynilaang pinalala pa mula nang umangkat tayo ng veggies mula sa China.

Ibig sabihin, hindi lang agri smuggling at korap­syon sa DA ang kailangan tuldukan ngayon ng kasalukuyang administrasyon para palakasin ang sektor ng agrikultura kundi kailangang palawakin pa nito ang pagtatayo ng mga bagsakan upang hindi problema ng mga magsasaka ang pagbebenta ng kanilang pro­duktong mabili rin naman ng sambayanan sa makatuwi­rang presyo.

Anomang puna o re­ak­syon, itext sa 0999­93885­37/email normanl­[email protected]­gmail­.com.