BAGUIO MABILIS VS COVID-19

BAGUIO MABILIS VS COVID-19

May 3, 2022 @ 7:15 PM 2 months ago


MAHUSAY na napangasiwaan ni Baguio City Mayor Benja­min Magalong at kanyang mga City Health officer ang pagsasagawa ng contact tra­cing sa mga nakasalamuha ng turista at babaemg Finish national na nag­positibo sa Omicron-BA.2.12 habang nagbaba­kasyon sa lungsod kaya naiwasan ang pagkakaroon ng hawaan sa panibagong variant ng Covid-19.

Bagama’t hindi naman gaanong mapanganib ang bagong variant, mabilis naman daw itong makahawa, ayon sa Department of Health (DOH), kaya labis ang naging pangamba ng mga negos­yante sa lungsod dahil baka muling magsara ang kanilang negosyo gayung ngayon pa lamang sila nakababangon mula sa matinding pagkalugi na dulot ng pandemya.

Kung sabagay, ano pa ang saysay ng bansag kay Ma­yor Magalong na “contact tracing czar” kung hindi niya paiiralin ang kanyang abilidad, husay at galing sa mismong lungsod ng kanyang pinamumunuan? Mula kasi nang ilagay sa Alert Level 1 ang Lungsod ng Baguio, nagsimula ng sumigla ang industriya rito ng turismo dahil sa rami ng mga lokal at dayuhang turista na nagnanais na dito magba­kasyon at magliwaliw, lalo na ngayong panahon ng tag-init.

Iba kasi ang klima sa tinagurang “Summer Capital” ng Pilipinas dahil kahit sobrang alinsangan ng panahon sa maraming lugar sa bansa, nananatiling malamig pa rin ang simoy ng hangin sa Baguio City kaya roon nagtutu­ngo ang maraming turista. Pero dahil nadiskubre ang bagong variant ng COVID-19 sa naturang lungsod, bahagya raw nabawasan ang pagdagsa ng lokal na turista sa bunga ng pangamba ng hawaan, kahit pa na nag-negatibo naman ang mga sumailalim sa COVID-19 test na nakasalamuha ng Finish national.

Pinahigpitan na rin ni Baguio City Police chief P/Col. Glen Lonogan sa kanyang mga tauhan ang pagbabantay at paninita sa mga lumalabag sa health and safety protocols, lalo na ang mga hindi nagsu­suot ng face mask at lumalabag sa social distancing. Sa kabila nito, marami pa ring mga residente sa lungsod ang nangangamba dahil patuloy na nalalabag ang social distan­cing sa mga lugar na pinupuwestuhan ng mga lokal na dayuhan na ang layunin ay ang maglatag ng iligal na su­gal tulad ng drop ball at iba pang numbers game.

Sa Magsaysay Avenue, Hilltop at sa isang gusali sa Cating, naglatag daw ng pasugal ang mga dayo na sina alyas Marjie, Jimmy, Nestor at Arman na karamihan sa mga parokyano ay puro mga kabataan. Nilatagan din Burnham Park nina Andy, Oldak at Balong pero hindi napupuna nina Mayor Magalong at Col. Lonogan.