Bagyo umaaligid sa labas ng PAR; Northern, Central Luzon uulanin sa Habagat

Bagyo umaaligid sa labas ng PAR; Northern, Central Luzon uulanin sa Habagat

September 6, 2022 @ 6:44 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Uulanin ang kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon ngayong Martes dahil sa hanging Habagat, ayon sa PAGASA.

Ang Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa monsoon at Intertropical Convergence Zone. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Samantala, ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng monsoon at localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magkaroon ng flash flood o landslide.

Binabantayan din ng PAGASA ang isang tropical depression na matatagpuan sa labas ng Philippine Area of ​​Responsibility (PAR).

Nitong Martes ng alas-3 ng madaling araw, ang tropical depression ay nasa layong 1,680 km silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.

Mayroon itong maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 km/h.

Ang tropical depression ay kumikilos pakanluran timog-kanluran sa bilis na 20 km/h.

Sumikat ang araw bandang 5:44 ng umaga habang lulubog ito alas-6:05 ng gabi. RNT