Bagyong Basyang pumasok na ng Pinas

Bagyong Basyang pumasok na ng Pinas

April 12, 2022 @ 12:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa man malinaw ang lawak ng pinsala maging ang mga bilang ng nasawi, sugatan, at nawawala bunsod ng bagyong Agaton ay pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang isa pang bagyo.

Sa 11 a.m. weather bulletin ng PAGASA, tinawag nito ang bagong bagyo na Basyang.

Sinabi ng PAGASA na malabong direktang maapektuhan ni Basyang ang lagay ng panahon sa bansa sa loob ng forecast period.

Hanggang nitong 10 a.m., ang sentro ng Basyang ay tinatayang nasa 1,435 km East ng Southern Luzon (15.4°N, 135.0°E) at taglay ang maximum sustained winds na 120 km/h malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 150 km/h, at gitnang presyon ng 975 hPa.

Sinabi ng PAGASA na kumikilos si Basyang pahilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h. Mayroon din itong malakas na hangin o mas mataas na umaabot palabas hanggang 600 km mula sa gitna.

Inaasahan naman napatuloy na lalakas si Basyang at maaaring umabot sa peak intensity na 150 km/h sa Miyerkules ng umaga.

Samantala, kaninang 10 a.m., ang sentro ni Agaton ay tinatayang nasa 11.2°N, 125.4°E sa paligid ng Balangiga, Eastern Samar, taglay ang maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 75 km/h, at gitnang presyon ng 1004 hPa.

Sinabi ng PAGASA na mabagal na kumikilos si Agaton patungong silangan at may malakas na hangin o mas mataas na umaabot palabas hanggang 150 km mula sa gitna. RNT