Manila, Philippines – Asahan ang patuloy na pagbagsak ng ulan sa Metro Manila, Cavite, Zambales, Batangas at Bataan na dala ng southwest monsoon o Habagat na pinalakas ng bagyong Henry.
Dahil dito, naglabas na ng yellow at orange rainfall warning ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang alas-6:20 ng umaga.
Nasa ilalim ng orange rainfall warning ang Metro Manila, Bataan, Bulacan at Batangas habang nasa ilalim naman ng yellow rainfall warning ang Rizal, Cavite, Pampanga at Zambales.
Patuloy naman na nakataas ang signal no. 1 sa Batanes kung saan namataan ang bagyong Henry sa 75 kilometers kanluran-timogkanluran ng Calayan, Cagayan. May dalang hangin ang bagyo na nasa 60 kilometers per hour (kph) at bugso na nasa 75 kph.
Gumagalaw ito sa bilis na 20 kph papuntang kanluran-hilagangkaluran.
Patuloy na uulanin ang Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan, Apayao at Ilocos Norte, dagdag pa ng PAGASA.
Bukod pa rito, ang habagat naman ang magbibigay ng ulan sa Metro Manila, Zambales, Cavite, Bataan, Mindoro, Palawan, at Western Visayas.
Samantala, nagsabi rin ang PAGASA na mayroon silang namataang low pressure area sa 825 kilometers silangan ng Infanta, Quezon. (Remate News Team)