Manila, Philippines – Lumakas nang bahagya ang Tropical Depression Inday habang patuloy nitong hinahatak at pinalalakas ang Habagat (southwest monsoon) na siyang nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa partikular na sa Luzon.
Sa huling weather bulletin na inilabas ng PAGASA, namataan ang sentro bagyo sa layong 775 kilometro Silangan ng Basco, Batanes na may lakas ng hangin na 60 kilometro kada oras at may pagbugso na aabot sa 75 kilometro kada oras.
Bukod dito nagbabala rin ang PAGASA sa mga lugar ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bataan at Zambales sa posibilidad ng pagbaha at landslide na dulot ng malakas na pag-ulan dahil sa Habagat.
Mahina naman hanggang sa katamtamang pag-ulan at kung minsan ay may malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon habang makakaranas naman ng localized thunderstorms ang Visayas at Mindanao. (Remate News Team)