Bagyong Inday, lumakas… isa pang LPA namataan sa labas ng PAR

Bagyong Inday, lumakas… isa pang LPA namataan sa labas ng PAR

July 20, 2018 @ 11:39 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Lumakas pa sa severe Tropical Storm ang #Bagyong Inday habang patungo ito sa Hilagang Kanluran sa bilis nas 15 kilometro kada oras.

Sa huling tala ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa 925 kilometro Silangan Hilagang Silangan ng Basco, Batanes  taglay ang lakas ng hangin na 90 kilometro kada oras at may pagbugsong aabot sa 115 kilometro kada oras.

Wala pang inilalabas ang weather bureau ba tropical cyclone warning signal pero pinayuhan ang publiko at mga local na pamahalaan na manatiling nakatutok sa mga susunod na advisory ng PAGASA.

Samantala, isang Low Pressure Area naman sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang namataan sa layong 475 kilometrong Kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.

Dahil dito, asahan ang katamtamang pag-ulan hanggang sa malakas na pag-ulan dahil sa Southwest Monsoon o Habagat na hahatakin ng Severe Tropical Storm Inday at ng bagong LPA lalo na sa mga lugar ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Tarlac at Nueva Ecija.

Kalat-kalat naman na mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na kung minsan ay may malakas na pag-ulan ang iiral sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon hanggang bukas.

Inaasahan namang lalabas na ng PAR ang bagyong Inday mamayang gabi o bukas ng umaga. (Remate News Team)