Bagyong Inday, napanatili ang lakas

Bagyong Inday, napanatili ang lakas

July 19, 2018 @ 6:50 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Napanatili ng Tropical Storm Inday ang lakas nito habang papalabas ito ng Philippine Area of Responsibility.

Inaasahang lalabas ng PAR sa Sabado ng umaga ang bagyo na may lakas ng hangin na 75 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Inday sa 1,025 kilometro mula sa Silangan ng Basco, Batanes at may bilis na aabot sa 25 kilometro kada oras.

Sa ngayon ay wala pang itinataas na tropical cyclone warning signal sa kabila ng mga pag-ulang nararanasan ng Luzon dahil sa lumalakas na southwest monsoon o Habagat.

Pero nagbabala naman ang kagawaran na makararanas ng katam-tamang pag-ulan hanggang sa malakas na ulan ang Ilocos Region, Cordillera, Bataan, Zambales, Batanes, at ng Babuyan Group of Islands.

Mahina naman hanggang sa katamtamang pag-ulan at kung minsan ay malakas na ulan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon.

Naglabas din ng gale warning ang PAGASA kaya hindi pwedeng maglayag sa karagatan sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon, partikular na sa Isabela, Aurora, Zambales at Bataan. (Remate News Team)