Manila, Philippines – Tuluyan nang naging Tropical Depression Inday ang binabantayang Low Pressure Area sa Silangang bahagi ng bansa.
Sa update ng PAGASA, palalakasin din ng Bagyong Inday ang Hanging Habagat na siyang magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan.
Aasahan naman ang kalat-kalat na pag-ulan sa Kamaynilaan, Cagayan Valley, Cavite, Batangas, Laguna at nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon. Pinayuhan din ang mga residente sa posibilidad ng flash floods at landslides.
Samantala, nagbabala ang PAGASA sa malakas na pag-ulan sa mga Luzon sa Biyernes dahil sa posibleng paglakas ng bagyong Inday at maging Tropical Storm.
Sa tala kaninang alas-10 ng umaga, namataan ang sentro ng bagong bagyo sa 660 kilometrong layo mula sa Silangan at Timog Silangan ng Basco, Batanes.
Bitbit nito ang hangin na may lakas na 55 kilometro kada oras at pagbugso na aabot sa 65 kilometro kada oras.
Sa ngayon ay wala pang storm signal na inilabas ang PAGASA kaya manatiling nakatutok sa mga susunod na update.
Ang Tropical Depression Inday ang ika-siyam na bagyong pumasok sa bansa ngayong taon at ikatlo na ngayong buwan ng Hulyo. (Remate News Team)