Bagyong Josie, patuloy na magpapa-ulan sa Luzon

Bagyong Josie, patuloy na magpapa-ulan sa Luzon

July 22, 2018 @ 9:38 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nananatili ang lakas ng Bagyong Josie kung saan pinalalakas nito ang southwest monsoon o habagat na siyang magdudulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.

 

Isinailalim na sa yellow level rainfall warning ang Manila, Bataan, Laguna, Batangas at Rizal, ibig sabihin maaaring makaranas ng pag-ulan ang mga naturang lugar sa susunod na tatlong oras dulot ng bagyo at ng habagat.

 

Namataan ng PAGASA ang mata ng bagyo dakong alas-3 ng umaga sa 140 kilometers hilaga hilagangsilangan ng Calayan, Cagayan na may dalang hangin na 60 km/h malapit sa gitna at bugso na 80 km/h. Gumagalaw ang bagyo patungong hilagangsilangan sa bilis na 35 km/h.

 

Itinaas naman ng PAGASA ang signal no. 1 sa Ilocos Norte, Apayao at hilagang bahagi ng Abra.

 

Asahan na patuloy na magdadala ng pag-ulan ang habagat sa Metro Manila, Central Luzon, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Mindoro provinces, Rizal, Cavite at Batangas.

 

Inaabisuhan naman ng mga awtoridad ang mga residente sa mga naturang lugar, lalong lalo na ang mga nakatira sa may tabing ilog, mababa at bulubunduking lugr na maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide. Pinapayuhan din ang mga ito na makipagtulungan sa mga local disaster office.

Mapanganib pa ring pumalaot sa mga baybayin ng Northern Luzon at sa kanlurang baybayin ng Central Luzon lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng signal no. 1, ayon pa sa PAGASA. (Remate News Team)