Baha sa Maynila isinisi ng MMDA sa’di natapos proyekto

Baha sa Maynila isinisi ng MMDA sa’di natapos proyekto

August 9, 2022 @ 9:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinisisi ng Metro Manila Development Authority ang hindi natapos na proyekto bilang sanhi ng pagbaha sa ilang kalsada sa Maynila sa gitna ng malakas na pag-ulan nitong nagdaang linggo.

Sinabi ng MMDA na tatlo sa mga pangunahing drainage system ng Maynila ang isinara dahil sa isang proyekto na layong dumaan ang tubig sa treatment  bago ilabas sa Manila Bay sa labas ng dolomite beach.

Ang mga drainage system na ito ay ang Padre Faura Drainage, Remedios Drainage at Estero De San Antonio.

“Sarado po. Hindi pa natatapos ang project ng DPWH (Department of Public Works and Highways) ‘yung pumping station and installation ng pipe… so mabagal ang pag-subside ng tubig baha,” ani MMDA acting general manager Baltazar Melgar.

Kasama sa proyekto ang mga pumping station sa mga drainage system at isang tubo na humahantong sa isang sewerage treatment plant.

“Dina-divert muna doon sa ating STP, para i-treat ang tubig diyan bago ilabas sa Manila Bay. Para ma-maintain natin yung quality or ma-improve natin ang quality ng tubig,” dagdag pa ni Melgar.

“Ang target ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) diyan ay magiging swimmable,” aniya pa.

Sinabi ni Melgar na naglabas ang MMDA ng tubig-baha sa Pasig River sa halip na diretso sa bay.

“Doon na siya nag-drain sa Pasig River instead na mag-drain siya dito directly sa Manila Bay. Iikot pa siya sa Pasig River,” paliwanag pa ni Melgar.

“I-require siguro namin ang DPWH to install pumps o mobile pumps, o kaya i-operate muna ang existing pumps. Tubig ulan naman yan i-pump out na lang nila doon sa Manila Bay.” RNT