Bahagi ng Sierra Madre, gumuho

Bahagi ng Sierra Madre, gumuho

June 19, 2022 @ 3:50 PM 1 week ago


ILAGAN CITY, ISABELA- Gumuho ang bahagi ng kabundukan na sakop ng Sierra Madre sa San Agustin, Isabela at Maddela, Quirino.

Ngunit iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 na walang natunton na ilegal na aktibidad sa landslide incident sa Sierra Madre.

Ayon kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR Region 02, ang insidente ng pagguho ng lupa na sumasaklaw sa average na lapad na 90 metro at kabuuang taas na 1,592 metro sa ibabaw ng dagat ay naganap sa Sitio Dioriong, Barangay Villa Gracia, Maddela, Quirino.

Iginiit nito na ang insidente ay natural na pangyayari dahil sa malakas na pag-ulan nitong nakalipas na araw.

Base sa ulat ng mga investigating team na binubuo ng mga tauhan ng Community Environment and Natural Resources Offices ng San Isidro, Isabela at Nagtipunan, Quirino; at mga lokal na pamahalaan ng mga bayan ng San Agustin at Maddela, ang lugar ay natatakpan ng mossy forest at limestone rock formation sa loob ng Quirino Protected Landscape.

Natuklasan din ng grupo ang mga bedrocks at boulder sa kahabaan ng Sili Creek na natagpuan sa paanan ng lugar ng insidente at discolored water na umaagos mula sa tuktok ng landslide site.

Binigyang-diin ni RED Bambalan na walang taong naninirahan sa lugar at wala ring bakas ng mga ilegal na aktibidad ang nakita sa site maging sa mga kalapit na lugar batay na rin sa ulat ng investigation team na isang Linggong nag-trek upang marating ang eksaktong lokasyon ng landslide.

Tiniyak ang kalagayan ng pinakamataas na bahagi ng bundok para matukoy kung ano ang posibleng dahilan ng insidente ng pagguho ng lupa, ang DENR kasama ang Mines and Geosciences Bureau ay nagtakda ng aerial surveillance sa pakikipag-ugnayan sa ilan ahensiya ng pamahalaan. Rey Velasco