Bahagyang pagtaas ng COVID cases sa NCR ‘di nakaaalarma – DOH

Bahagyang pagtaas ng COVID cases sa NCR ‘di nakaaalarma – DOH

June 11, 2022 @ 4:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpakita ng bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nakaraang linggo sa Metro Manila  ngunit binigyang-diin ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na ang pagtaas ay hindi nakaaalarma.

Sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire  na ang capital region ay mayroong 1.6 percent na pagtaas sa positivity rate. Labing apat mula sa 17 lugar sa bansa ay may positive growth rate.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng DOH na nasa 2 porsiyento ang positivity rate ng NCR sa pagitan ng Hunyo 2 at Hunyo 8.

“Sa ngayon, nakikita natin, nasa low-risk pa naman tayo. Ibig sabihin itong mga kaso natin, hindi pa nasu-sustain ang pagtaas na tuloy-tuloy,” sabi ni Vergeire sa public briefing.

Nangangahulogan aniya na nadadagdagan ang kaso pero hindi pa siya ganoon  ka-significant dahil hindi pa tumataas ang admissions sa mga ospital gayundin ang severe at critical.

Iniuugnay ni Vergeire ang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa pagkakaroon ng mas naililipat na mga subvariant ng omicron at ang “nagpapababa ng immunity” ng populasyon.

“Marami sa mga kababayan natin ang hindi kumukuha ng mga boosters and maaaring maging factor din ito dito po sa pagtaas ng kaso dito sa NCR and other areas,” ayon pa kay Vergeire.

Samantala, kinumpirma din ni Vergeire na ang Quezon City ay nasa ilalim ng yellow status, na ibig sabihin ang  “surge” ng fresh COVID-19 cases ay “possible” sa susunod na dalawang linggo.

Isang larawan na ibinahagi sa social media ang nagpakita ng slide mula sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na nagsasabing ang average na pang-araw-araw na kaso doon ay nasa 26 na noong Hunyo 9.

Ito ay “111.76 porsyento na mas mataas kumpara sa nakaraang linggo na average,” ipinakita ng slide.

Ayon kay Vergeire, tama ang ipinapakita ng slide na may pagtaas ng kaso  sa Quezon City at ibang bahagi ng Metro Manila.

Binigyan diin ni Vergeire na ang virus ay nariyan lamang at magdudulot ito ng infection kaya kailangang bantayan na huwag magkaroon ng malubhang kaso at huwag mapuno ang mga ospital.

“It was… an internal meeting among officials para lang mag-prepare hindi para takutin ang ating mga kababayan kaso nag-leak po, so nagpa-panic ang ating mga kababayan sa ngayon,” sabi ni Vergeire.

Kinumpirma rin sa isang panayam Ng Teleradyo ni  Dr. Rolly Cruz, hepe ng QCESU, na nasa ilalim ng yellor alert status ang QC at ibig sabihin nito ay patuloy ang pagtaas ng bagongkaso ng COVID-19 infections sa nagdaang 14 araw. Ang classification ay bahagi ng kanilang maagang warning system.

“Nasa yellow status tayo ibig sabihin, nakakita tayo ng patuloy na pagtaas ng kaso… Kaya ang ginagawa namin ngayon is nire-review namin yung response namin,” sabi ni Cruz. Jocelyn Tabangcura-Domenden