Bahay-bahay na pagbabakuna vs COVID paigtingin – Malakanyang

Bahay-bahay na pagbabakuna vs COVID paigtingin – Malakanyang

January 15, 2022 @ 12:03 PM 4 days ago


Manila, Philippines – Kumbinsido ang Malakanyang na kailangan lang na paigtingin ang “house-to-house” vaccination sa vulnerable at senior citizens ng local government units (LGUs) para mas mapapabilis ang COVID-19 vaccination campaign ng gobyerno sa labas ng National Capital Region (NCR) at kalapit-lalawigan.

Sinabi ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles,  ang tagumpay ng vaccination drive ay mahalaga sa pakikipagtulungan na rin sa LGUs at general public.

“Isa sa mga nakikita nating effective na ginagawa ng mga LGU ay ang house-to-house na pagbabakuna kasi ang target natin senior citizens at mga vulnerable lalo na sa mga areas outside of NCR Plus,” ayon kay Nograles.

Giit ni Nograles, ang house-to-house vaccination ay “very effective” sa pagpapataas ng inoculation campaign laban sa COVID-19 dahil nagpo-promote ito ng accessibility para sa mga nahihirapan na magpunta ng vaccination centers.

“Para sa hindi makakabiyahe kailangan reach out na lang tayo sa kanila,” ani Nograles.

Nauna rito, inanunsyo ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) na ang ‘goal’ na gawing fully vaccinated ang 70% ng target population ng pamahalan ay nakamit na.

“As of January 13, a total of 54,457,863 persons have completed vaccination. This is 70.6% of the target population,” ayon sa NTF. Kris Jose