Bahay ni chairwoman Angelika Dela Cruz, pinagnakawan

Bahay ni chairwoman Angelika Dela Cruz, pinagnakawan

July 8, 2022 @ 5:58 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang kinasadlakan ng isang 19-anyos na kawatan nang pasukin at pagnakawan ang bahay ng aktres at kasalukuyang barangay chairwoman na si Angelika Dela Cruz, Biyernes ng madaling araw sa Malabon City.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-3 ng madaling araw nang pasukin ni Steven Ramos, residente ng C4 Road, Brgy. Bagong Bayan North, Navotas City ang bahay ng aktres sa Gen. Borromeo St. Brgy. Longos sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod at pagdaan sa sliding window ng bintana sa gilid ng bahay.

Habang sinasamsam ng kawatan ang iba’t-ibang uri ng alahas, gadget at dolyar na pag-aari ng kapatid ng aktres na si Mariko Nicolette Egger Dela Cruz, 23, isa ring artista na may screen name na Mika Dela Cruz, nagising ang dalaga kaya’t humingi ng tulong sa mga kaanak na kaagad nakatawag ng barangay tanod at pulis.

Nang dumating sina Pat Alexis Flores at Pat. Noel Tindugan ng Malabon Police Sub-Station 5, kasama ang mga barangay tanod ng Barangay Longos, hinanap nila sa loob ng bahay ang suspek hanggang sa mahuling nagtatago sa ilalim ng isang kama na nasa loob ng stock room ng bahay ng biktima.

Nakuha kay Ramos ang mga kinulimbat na alahas, gadget at dolyares na may kabuuang halagang P182,000.00 at isang patalim.

Kasalukuyang nasa kostodiya na ng Malabon Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang suspek na nakatakdang ipagharap ng kasong panloloob sa piskalya ng Malabon City. Boysan Buenaventura