Bahid ng oil spill, umabot na sa Calapan

Bahid ng oil spill, umabot na sa Calapan

March 17, 2023 @ 4:54 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa Calapan City, sa hilagang bahagi ng Oriental Mindoro, ang bahid ng oil spill mula sa lumubog na tanker sa Naujan.

“Wala pa hong gaanon kalaki, karami—traces pa lang ho [ng oil spill] ang umaabot dito sa amin… Sa ngayon po nako-contain pa po natin kasi traces pa lang po ‘to,” sinabi ni Calapan Mayor Malou Morillo nitong Biyernes, Marso 17 sa panayam ng ABSCBN.

Aniya, nagpakalat na ang lokal na pamahalaan ng improvised oil spill boom sa mga dalampasigan at bungad ng mga ilog para maprotektahan ang dagat at mga bakawan.

“Ang malaki pong epekto’y sa ating mga mangingisda kaya nananalangin po kami na sana’y magbago ang hangin,” nang tanungin sa posibleng epekto kung sakaling tuluyan nang kumalat sa kanilang bayan ang oil spill.

“Talagang malaki po ang epekto nito sa kabuhayan ng ating mga kababayan, lalo na po sa ating mga mangingisda,” sinabi pa ni Morillo.

Matatandaan na lumubog noong Pebrero 28 ang MT Princess Empress sakay ang 900,000 litro ng industrial fuel oil na nagdulot ng oil spill at nakapinsala sa libo-libong ektarya ng coral reefs, bakawan at mga tourist spots sa probinsya. RNT/JGC