BAI chief sinita ni Villar sa livestock importation policy

BAI chief sinita ni Villar sa livestock importation policy

January 9, 2023 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinita ni Senador Cynthia Villar si Bureau of Animal Industry (BAI) Director Paul Limson kaugnay ng naging pahayag nito na walang direktang kontrol ang pamahalaan sa dami at dalas ng pag-aangkat ng mga livestock products sa bansa.

Ito ay kasabay ng pagdinig ng Senado nitong Lunes, Enero 9 kung saan ipinakita ni Villar ang datos noong 2022 na ang pangangailangan sa baboy ay nasa 1,733,385 kilo habang ang suplay naman ay nasa 1,605,733.33 kilo.

Sa kabila ng kakaunting diperensya sa supply at demand, ipinakita rin ng Senadora ang datos na nag-angkat pa rin ang bansa ng tinatayang nasa 724,532.727 kilo ng karneng baboy.

“Ito total demand is 1.7 [million] tapos local production is ganoon din… ang laki ng import. Bakit ganoon?” tanong ni Villar.

Ipinagtaka rin ito ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Representative Nicanor Briones, na dumalo sa naturang pagdinig.

“Alam niyo nung December 31 kung ilan ang nasa cold storage? Mga nasa 110 million kilograms. So ibig sabihin nag-import ng sobra,” sinabi naman ni Briones.

Dahil dito, tinanong ni Villar si Limson kaugnay ng importation policy ng BAI at dito na ito sumagot na walang kontrol sa pag-aangkat ng karneng baboy ang naturang ahensya.

“Madam chair, ‘yung importation kasi ang client po ang nagla-lodge. So wala po kaming direct control kung gaano karami o gaano po ka-frequent,” ani Limson.

“Ngayon ko lang nalaman na pag pala gusto nila mag-import kahit na sobra ang local production, pwede mag-import,” tugon naman ni Villar dito.

“Sino nagturo sa’yo na basta mag-iimport kung may gusto mag-import. Wala kang pakialam? Mag-iissue ka ng import permit? Sino nagturo niyan sa’yo?” tanong pa niya.

Matatandaan na si Limson ay itinalaga bilang pinuno ng BAI noong Oktubre 2022, kung saan sinabi niya na ang naturang polisiya ay naroon na nang siya ay umupo sa pwesto.

“Inabot ko na lang po ang sistema na yan,” giit ni Limson.

Sinubukan pa nitong banggitin ang polisiya ng World Trade Organization ngunit nagpatuloy na ang senador sa pagbatikos nito kaugnay sa importation rule.

“Alam mo ang buhay natin, common sense lang ang buhay natin. May doctorate degree ka, wala kang common sense?” pagpapatuloy ni Villar.

“Kukunin mo ang supply, kukunin mo ang demand, kung kulang mag-iimport ka, kung sobra hindi ka na mag-iimport… Hindi common sense sa iyo ‘yon? May doctorate degree ka, hindi common sense sa iyo yon? Miski ano pa ang policy ng WTO or what, eh Pilipino tayo eh. Mahal natin ang kapwa Pilipino natin. Ibig sabihin gagawin niyo yan para kumita kayo? Ano ba yan?” dagdag pa niya.

Dahil dito, nasabi ni Villar na dapat magtalaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga opisyal ng DA na talagang tutugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.

“Kaya nga ang sinasabi ko pag mag-aappoint tayo, i-appoint natin yung may heart sa farmer kasi sasabihin mo sa akin wala kang control sa importation, kahit ilan ang gusto nilang importin? Paano ang gagawin mo dun sa ating local farmer pag pinaghirap mo ang local farmer natin, hindi na sila magpo-produce? Eh ‘di wala na tayong agricultural production. Pag nagka-shortage sa buong mundo, saan tayo kukuha ng pagkain? ‘Di naman always available yang import na yan e,” aniya.

“Bakit mo tinanggap ang posisyon hindi mo pala mahal ang livestock industry ng Pilipinas?” dagdag pa nito. RNT/JGC