BAKIT ANDAMING PROBLEMA NGAYON?

BAKIT ANDAMING PROBLEMA NGAYON?

December 30, 2022 @ 12:10 PM 1 month ago


SINISIMULAN na nga ang pagrehistro ng mga SIM cards nitong December 27, 2022, alinsunod sa RA 11934 o ang SIM Card Registration Act. Lahat ng gumagamit ng SIM cards para sa cellphone o mga wifi gadgets ay kailangan ng magpalista sa gobyerno.

Walang excuse sa batas na ito, kaya kahit pre-paid o post-paid ka man, smartphone man o hindi, kelangan mong i-rehistro ang SIM mo. Inilabas na ng Department of Information and Communication Technology ang mga patakaran o implementing rules and regulations ng pagpaparehistro.

Layunin ng batas na mabawasan sana ang mga krimen na may kaugnayan sa pag-gamit ng mga cellphone o kaya ng internet. Mga krimen na gamit ang digital technology o ng internet. Mapipigilan daw nito ang panloloko (fraud) at pagnanakaw ng personalidad o identity-theft.

Mas mapapabilis din daw ang pagtukoy sa scammers, hackers at mga nambibikitma sa internet gamit ang “phishing” o panlilinlang para ibigay ng biktima ang kanyang mga personal na datos, na s’ya naman magagamit ng suspek sa iba’t-ibang krimen. Sana nga makatulong ito nang husto sa pag-sugpo ng cybercrimes.

Pero maraming hindi kumbinsido. Sabi ng ibang grupo, mahina raw ang ebidensya mula sa ibang bansang nagpapatupad na ng SIM registration sa pagsawata ng mga cybercrime. At kayang-kaya raw ng professional hackers na paikutin ang mga patakaran at teknolohiya ng gobyerno.

Pero ang mas nakakatakot daw, mukhang hindi sapat ang seguridad na nakalatag ngayon para proteksyunan ang “privacy” ng mga ordinaryong tao. Hindi malinaw kung hanggang saan pwedeng gamitin ng gobyerno ang SIM registration sa pag-surveillance o pagtitiktik sa mga tao, lalo na raw sa mga kritiko ng gobyerno.

Sa unang dalawang araw ng SIM registration, mukhang maraming isyu. Ilang oras pa lang ay bumagsak na ang online registration pages ng SMART at GLOBE, at hindi raw kinaya ng mga sistema nila ang sobrang dami nang nagpaparehistro. Marami rin ang nagreklamong napakabagal daw ng internet. Naglagay na ng 24/7 Customer Complaint Center ang DICT at pinagpapaliwanag ang telcos kung bakit nagkaaberya.

Eh teka, bakit noong bilangan ng eleksyon, sobrang bilis ng internet at swabe ang transmission ng resulta ng eleksyon? Maning-mani nga ng mga COMELEC servers ang 20 million na pasok ng mga boto sa loob ng isa o dalawang oras.

Bakit ngayon, biglang andami ng problema?