Bakit nga ba Munggo day ang Biyernes?

Bakit nga ba Munggo day ang Biyernes?

August 3, 2018 @ 5:42 PM 4 years ago


Pagpatak ng huling araw ng weekdays, siguradong unang nasasaid sa mga kaldero ng mga karendirya ang munggo.

Siguro natanong mo na rin sa sarili mo kung bakit  nga ba munggo ang madalas na ulamin nating mga Pinoy tuwing Biyernes.

Nagsimula kasi ang lahat ng ito noong panahon daw ng pananakop ng mga Kastila.

Biruin ninyo, hindi pa buhay mga lolo’t lola natin, munggo na pala talaga ang kinakain nila tuwing Biyernes.

Tinuruan daw kasi ng mga paring Espanyol na kapag Biyernes dapay ay nangingiling tayo.

Kaya naman ang siste, kumain na ng munggo para hindi na raw bumili ng karne at makatipid. Sa ganitong paraan may maibibigay na pera ang mga Pinoy sa misa sa simbahan.

Pero, dahil mataba ang utak ng mga Pinoy, nakaisip pa sila ng ilan pang mga rason:

#1. Madalas kasi sa mga Pinoy, ang araw ng Sabado o Linggo ang ating ‘palengke day’ at kung pipili tayo ng gulay na bibilhin na kayang tumagal ng hindi nalalanta o nasisira sa loob ng ilang araw, ang dried munggo ang unang maiisip natin.

#2. Para daw ito sa mga may arthritis. Kapag daw kasi kinain ang munggo nang Lunes ay baka hindi ito makapasok kinabukasan at magka-absent dahil sa sakit sa kasukasuan. Ang munggo ay isa sa dahilan kaya sinusumpong ng rayuma ang ibang tao. Kaya safe pag Biyernes, at least walang pasok kinabukasan.

#3. Pwede rin daw na idahilan ang kakapusan ng pera tuwing Biyernes. Maaari daw na dahil kapos na sa pera ang mga Pinoy pagdating ng biyernes dahil sa dami na ng nagastos sa mga nakaraang araw kaya nagse-settle nalang sa mura pero masarap na ginisang munggo.

At dahil Friday ngayon, narito ang simpleng procedure ng pagluto ng ginisang munggo:

Mga Sangkap:

  • 1½ cups monggo beans
  • 1 tbsp bawang
  • ¼ teaspoon pamintang durog
  • ½ lb pork, hiwain ng maninipis
  • 2 cups spinach
  • 1 pc medium sized na kamatis, chopped
  • 1 medium sized na sibuyas, chopped
  • 2 tbsp patis
  • 24 ounces water (for boiling)
  • 1 pc beef cube or 1 teaspoon beef powder (for flavoring)
  • ½ cup crushed chicharon
  • 5 to 8 pcs medium sized shrimp (optional)

 

Procedure:

  • Ilagay ang tubig sa kaldero at pakuluan.
  • Ilagay dito ang munggo at pakuluan hanggang lumambot (35-50 minutes).
  • Igisa ang bawang, sibuyas at kamatis sa bukod na kawali.
  • Idagdag ang baboy at lutuin sa loob ng limang minuto.
  • Ilagay ang beef cubes at patis. Lutuin sa loob ng 10 minuto o hanggang sa lumambot ang karne.
  • Idagdag ang hipon, haluin at lutuin sa loob ng 2 minuto.
  • Ihalo dito ang pinalambot na munggo, haluin at i-simmer sa loob ng 10 minuto.
  • Ilagay ang spinach at ang chicharon.
  • Budburan ng pamintang durog.
  • Ihain habang mainit at enjoyin!

Bukod sa madali lang itong lutuin, marami ring pwede isahog tulad ng malunggay, ampalaya at kalabasa. Perfect din na ka-partner nito ay pritong isda tulad ng GG, bangus at tilapia. (Remate News Team/ Intern, Coleen Sheikha Fabro)