BAKIT ‘SMALL FISHES’ LANG ANG PUNTIRYA NG SENADO?

BAKIT ‘SMALL FISHES’ LANG ANG PUNTIRYA NG SENADO?

April 25, 2022 @ 6:38 PM 2 months ago


NOONG nakaraang taon, naging abala ang Senate investigation  kaugnay sa overpricing ng COVID-19 materials ng Pharmally Pharmaceuticals Inc. at sa pamumuno ni Sen. Richard “Dick” Gordon iniutos nito ang pagsasampa ng kasong contempt laban sa mga top brass ng nasabing kompanya dahil sa ilang ulit na pang-iisnab sa imbitasyon sa pagdinig.

Kabilang sa top brass o “big fishes” ang mag-close business associate na sina Michael Yang, financer at guarantor ng Pharmally Pharmaceuticals at sinasabing dating adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, at corporate treasurer ng nasabing kompanya na si Rose Nono Lin.

Sina Lin at Yang ay kapwa pinaaresto ni Gordon nang ilang ulit nang isnabin ng mga ito ang Senate hearing ngunit sa isang sulat lamang ng mga abogado ni Lin na may gastric illness ito ay agad nang kumambyo si Gordon, nawala ang tapang at sinabing bilang humanitarian consideration ay kinansela ang pag-aresto kay Lin.

Pero si Lin ay tila wala namang sakit dahil abala ito sa kanyang kandidatura bilang congresswoman ng 5th district ng Quezon City at noong nakaraang linggo ay sinampahan ng reklamong vote buying sa Commission on Elections kasama ang 16 na iba pa dahil sa pamimigay ng P500 sa mga botante na sinasabing ayuda o scholarship.

Hindi pa nagbibigay ng kasagutan si Lin sa akusasyon sa kanya subalit sa nauna nang pahayag ni Comelec Commissioner George Garcia ay sinabi nitong magpapalabas ng subpoena ang poll body ukol sa inihaing reklamo.

Maliban kay Lin ay off-the-hook na rin si Yang sa Pharmally mess na ngayon ay nasa Davao at nakikitang naglalaro ng golf.

Kung off-the-hook na ang mga big fish ng Pharmally at nakakulong naman ang mga “small fish, sina Pharmally Secretary Mohit Dargani at Pharmally Director Linconn Ong, na kapwa matapang na humarap sa mga senador para sagutin ang mga tanong ngunit naging pamalit ulo kina Yang at Lin.

Nobyembre pa nang makulong ang dalawa at inaasikaso pa ng kanilang abogado na makalaya ang mga ito. Tapos na ang imbestigasyon pero nakadetine pa ang dalawa at tila hindi pansin ni Gordon ang apela ng mga ito.

Bakit, Sen. Gordon? ‘Di ba dapat pagbigyan tutal re-electionista ka sa halalan sa May 9, 2022?