BAKIT UMATRAS SI KABAYAN?

BAKIT UMATRAS SI KABAYAN?

October 13, 2021 @ 11:35 PM 3 days ago

  •  
  •  
  •  

Umatras sa pagtakbo bilang senador si dating Bise-Presidente at broadcaster Noli De Castro, wala pang isang linggo matapos ang paghahain niya ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commision on Elections.

Sa pahayag na inilabas ni De Castro nitong Miyerkules, ipinaalam niya sa kanyang mga kaibigan at supporters ang kanyang desisyon na bumalik na lamang sa industriya ng pamamahayag dahil sa paniniwalang mas mabibigyan niya ng boses ang taumbayan.

“Isinumite ko ang aking kandidatura sa Comelec noong Biyernes. Ngunit nagkaroon ng pagbabago ang aking plano,” sabi ni De Castro.

“Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura,” dagdag niya.

Aniya, hindi magbabago  ang kanyang hangarin para sa bayan at patuloy siyang magiging boses ng kababayan lalo na sa panahon ng eleksiyon kung saaan nalulunod ang mga tao sa ingay ng politika at paggamit ng kapangyarihan para sa sariling interes ng iilan.

“Ang nag-udyok sa akin ay ang hangaring muling bigyan ng boses sa Senado ang ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, na ang tanging hangarin ay mabuhay nang maayos, payapa, at may dignidad sa gitna ng pandemya,” ayon kay De Castro.

“Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag,” dagdag niya.

Tatakbo sana sa ilalim ng Aksyon Demokratiko, nagpasalamat si De Castro sa ibinIgay na tiwala ng grupo at pati na rin ng standard-bearer nito na si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Si De Castro ay tumakbong senador noong 2001 ngunit hindi niya natapos ang kanyang termino matapos manalo bilang Bise Presidente noong 2004.

May mga nagsasabi na kaya umatras si Kabayan ay dahil umano sa kondisyong medikal.

Pero mas maugong ang balita na na-turn off daw siya sa “ulo” ng partido kaya hindi na siya tumuloy sa pagtakbo.

Dismayado raw siya sa inaasal ni Isko sa social media, lalo sa pagbatikos sa mga makatutunggali nito.

Totoo nga ba ito?


  •  
  •  
  •