BAKUNADONG PINOY ‘DI NA TAKOT SA COVID-19

BAKUNADONG PINOY ‘DI NA TAKOT SA COVID-19

January 24, 2022 @ 5:59 AM 8 months ago


PARA sa bakunadong mamamayan, hindi na kinatatakutang mahawaan ng COVID-19 kung saan itinuturing na mistulang ordinaryong trangkaso na lang ang nagkakasakit nitong kayang gamutin ng paracetamol at medisina sa ubo’t sipon.

Tila mga sundalong iginupo na ang mga kalaban lalo na sa mga nakapaturok na ng booster shots ang reaksyon ng sambayanan sa gitna ng tumataas na bilang ng nahahawaan ngayon na pinaniniwalaang Omicron variant ng COVID-19.

Kung pagmamasdan ang kasulok-sulukan ng bansa ngayon, balik-normal na ang galaw ng sambayanang halos gumagala na ang karamihan sa mga kalsadang hindi na maawat ng mga otoridad kahit pa maraming lalawigan na naman ang isinailalim sa alert level-3 bunsod sa pag-sirit ng kaso ng sakit na ito.

Nawala na rin ang pangamba ng mga residente sa mga probinsya kaugnay sa mga umuuwing indibidwal na karamihan ay nagpopositibo sa COVID-19 na hindi katulad noong kasagsagan ng pananalasa nitong pinandidirihan ang mga bakasyunistang mistulang may sakit na AIDS o ketong.

Sa madali’t sabi ,isinasantabi na lang ng mga kababayan ang inuulat sa media kaugnay sa tumataas na kaso ngayon ng sakit na ito.

Kunsabagay, inihayag ng DOH na umabot na sa 57 milyong Pinoy ang bakunadong karamihan sa mga lugar sa bansa ay nakamit na ang 70 porsyentong herd immunity.

Halimbawa noong Enero 22 na may naitalang 30,552 na bagong kaso subalit 41,471 naman ang gumaling at 97 lang ang namatay kung saan pinaniniwalaang hindi ito bakunado.

Kaya naman para sa iilan pang naniniwala sa fake news na epekto ng bakuna,sila ang dapat matakot na kapag hindi pa rin nagbago ang kanilang pananaw,tiyak na kung hindi sila sa ICU ng mga ospital pupulutin,sa sementeryo ang bagsak nila.

Ngunit para sa mga fully vaccinated na mamamayan,ang pagsusuot pa rin ng face mask at social distancing ang pinakamabisang paraan upang hindi talaga tumalab ang sakit na ‘yan sa ating katawan.

Paano nga naman tuluyang makababangon ang lugmok na ekonomiya ng bansa kung hindi mawala ang pangamba ng sambayanan hinggil sa COVID-19?

Anomang puna o suhestiyon, itext sa 09999388537/email [email protected]