Bakunahan sa palengke umarangkada na sa Pasay

Bakunahan sa palengke umarangkada na sa Pasay

August 30, 2022 @ 10:10 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na magsasagawa ng sabay-sabay na baksinasyon laban sa COVID-19 sa pampublikong palengke sa lungsod nitong Agosto 30.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang pagsasagawa ng sabay-sabay na baksinasyon laban sa COVID-19 ng lokal na pamahalaan ay bilang suporta sa “PinasLakas” vaccination program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sabay-sabay na isasagawa ang COVID-19 vaccination sa entrance at exit ng Pasay Public Market sa Libertad Street, sa Vito Cruz Street at sa Barangay Hall ng Barangay 170 na magsisimula ng alas 8:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang una at ikalawang dose pati na rin ang unang booster shot ay iniaalok sa lahat ng market vendors, general adult population ng A1 (health care workers), A2 (senior citizen), A3 (adult with comorbidities), A4 (workers) at A5 (indigent population), sa iba pang natitirang adult population, pediatric population na nasa edad 12 hanggang 17 gayundin ang mga nasa pediatric population na para sa una at ikalawang dose lamang.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang mga nasa kategoryang 50 taong gulang pataas kabilang ang mga nasa ilalim ng kategorya ng A1 hanggang A3 na nasa 18 hanggang 49 taong gulang ay maaari na rin na magpaturok ng kanilang ikalawang booster shot.

Hinikayat din ni Calixto-Rubiano ang mga residente ng lungsod na lumahok sa gagawing sabay-sabay na baksinasyon ngayong araw para na rin sa kanilang proteksyon laban sa nakamamatay na virus. James I. Catapusan