Bakunahan vs tigdas, iba pang sakit nagpapatuloy sa Maynila

Bakunahan vs tigdas, iba pang sakit nagpapatuloy sa Maynila

October 5, 2022 @ 3:46 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng lokal na pamahalaang lungsod Maynila sa pamamagitan ng Manila Health Department (MHD) na patuloy na prayoridad at palalakasin pa nila ang pagbabakuna sa mga bata kontra tigdas at iba pang “vaccine preventable diseases” (VPD).

Ito ay kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) kaugnay sa posibilidad ng “outbteak” ng tigdas sa susunod na taon, dahil sa mababang “immunization rate” sa hanay ng mga bata.

Ayon kay Dr. Arnold Pangan, hepe ng MHD, ayaw nila sa lungsod ng Maynila na magkaroon ng kinatatakutang outbreak.

Sa ngayon, mababa at “manageable” ang mga kaso ng tigdas sa Maynila at walang dapat ikabahala.

Malaking tulong aniya ang araw-araw pa ring “catch-up and routine immunization” sa hanay ng mga bata sa Maynila, partikular sa edad 0 hanggang 23-buwan.

Ito ay ginagawa sa iba’t ibang health centers sa lungsod.

Dahil may pagbaba sa mga kaso ng COVID-19, mas palalakasin pa ng Manila local government unit ang pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas at iba pang sakit gayang influenza, diphtheria, rubella, polio at iba pa.

Kaugnay nito, patuloy ang paghikayat ng Manila LGU sa mga magulang o guardians na pabakunahan ang mga bata upang makaiwas o maagapan ang tigdas at iba pang sakit. JAY Reyes