Bakunahang Bayan, aarangkada ngayong Lunes; Publiko, hinimok makiisa

Bakunahang Bayan, aarangkada ngayong Lunes; Publiko, hinimok makiisa

December 5, 2022 @ 7:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino na magpakuna at tumanggap ng booster sa “Bakunahang Bayan” vaccination drive na magsisimula ngayong Lunes, Dec. 5 hanggang Miyerkules, Dec. 7.

Giit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang isa sa mga paraan para maprotektahan ang sarili laban sa COVID-19 ay sa pamamagitan ng pagbabakuna.

Ayon naman kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, ang mga kasalukuyang mga bakuna ay epektibo pa rin laban sa mga nagsusulputang mga variants ng COVID-19

Sinabi ni Vergeire na bukod sa pagbabahay-bahay ay mayroon ding ilalagay na mga vaccination sites sa iba’t ibang lugar sa bansa, sa mga palengke, sa malls, sa mga eskwelehan, establishment, sa mga simbahan at sa iba pang public places.

Ayon sa DOH at eksperto, mahalaga ang pagbabakuna lalo na para sa vulnerable population dahil inaasahan na ang mga pagtitipon-tipon ngayong holiday season.

Noong Nov. 20, halos 73.7 milyong Filipino ang ganap nang bakunado.

Nasa 20.9 milyon indibidwal ang nakatanggap ng kanilang booster shot at nasa 3.5 milyon indibidwal ang nakatanggap ng kanilang second booster dose, ayon sa DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden