Bakunahang Bayan II itinakda ng DOH

Bakunahang Bayan II itinakda ng DOH

November 19, 2022 @ 12:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagtakda ng dalawa pang araw na special COVID-19 vaccination drive ang Department of Health (DOH).

Tinawag itong “Bakunahang Bayan II” na gaganapin mula Disyembre 5 hanggang 7 at sesentro sa pediatric population.

“Ang target po natin dito ay more of the 5-11 years old and the first booster. Para ma-reach natin ‘yung target natin for 5-11 and the booster doses,” saad ni Health Usec. Nestor Santiago nitong Biyernes, Nobyembre 18.

Batay sa datos ng DOH, nasa 73.6 milyong Pilipino na ang nakakumpleto na ng kanilang primary series ng COVID vaccine hanggang nitong Nobyembre 17.

Ngunit 20.8 milyong Pilipino pa lamang ang nakakatanggap ng kanilang unang booster shots.

Sa kabila ito ng paglulunsad ng Pinaslakas campaign sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong makamit ang 50% na mga karapat-dapat na populasyon na may first booster.

Ibinaba ang nasabing target sa 30% ilang araw bago matapos ang kampanya noong Oktubre 8, at ika-100 araw ng kasalukuyang administrasyon.

Nauna nang sinabi ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire ang planong final special vaccination drive ngayong taon na sinasabing nananatili silang umaasa na mas maraming tao ang magdedesisyon na magpabakuna o magpalakas habang nakikita ng bansa ang bahagyang pagtaas ng mga kaso sa nakaraang linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden