Bakunahang Bayan,  nakatuon sa mga bata

Bakunahang Bayan,  nakatuon sa mga bata

December 5, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Target ng Department of Health (DOH) na mabakuhan sa tatlong araw na “Bakunahang Bayan” drive sa National Capital Region (NCR) ang mga edad 5 hanggang 11 taong gulang na mahigit 529,000 habang sa 12-17 age group ay mayroong mahigit 158,000, ayon kay Dr.Gloria J. Balboa Regional Director ng DOH-Metro Manila Center for Health Development.

Ipinaliwanag ni Balboa na nakatuon ngayon ang Bakunahang Bayan sa mga bata dahil mababa pa ang bilang ng mga nagpabakuna sa nasabing age group bukod sa kabilang sila sa mga vulnerable base na rin sa datos.

Aniya, ngayong nagsimula na ang face-to-face classes kailangan mas protektado ang mga bata dahil itong pagbabakuna ay magbibigay sa kanila ng extra protection.

Sa unang araw ng Bakunahang Bayan, bumisita si Balboa sa Tondo Foreshore Health Center at nanguna sa vaccination drive kasama si Manila City Health Department Director Dr. Arnold Pics Pangan, at sinabi na kasama sa kampanya ang primary series at booster shots para sa mga 12-17 years old.

Ayon kay Balboa, hindi lamang Pfizer ang bakuna na ibibigay sa mga bata kundi Sinovac dahil mayroon na aniya itong clearance para sa 6 hanggang 17 taong gulang.

Hinikayat naman ni Balboa ang mga magulang na nakiisa sa Bakunahang Bayan na hikayatin din ang iba pang mga kakilalang magulang na dalhin ang kanilang anak sa mga health centers para mabigyan ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.

Ang naturang pagbabakuna ay simultaneous o ginagawa sa buong bansa hanggang Disyembre 7. Jocelyn Tabangcura-Domenden