Bakunahang Bayan, pinalawig

Bakunahang Bayan, pinalawig

September 27, 2022 @ 5:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Palalawigin ang mga espesyal na araw ng pagbabakuna ng gobyerno na tinatawag na “Bakunahang Bayan” hanggang Oktubre 1, sinabi ng Department of Health nitong Martes.

Ito ay matapos ipagpaliban ang paglulunsad noong Lunes ng nationwide campaign sa Luzon dahil sa bagyong Karding.

“Nagpalabas kami kahapon ng department memorandum wherein we have already lifted the suspension in the affected areas in this ‘PinasLakas [Bakunahang] Bayan’. We are going to extend it until Oct. 1,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa press briefing.

Habang naantala ang “Bakunahang Bayan” sa Luzon, nagpatuloy ang pagtuturok ng karagdagang bakuna sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Nitong Lunes, hindi bababa sa 66,576 indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot sa ilalim ng kampanya, ani Vergeire.

Nilinaw niya na ang DOH ay nagbibigay ng coronavirus jabs batay sa mga target at pangangailangan ng isang rehiyon.

“Wala na ho tayong extra na binigay pa because of this special vaccination days kasi meron po silang stored vaccines in their warehouses,” sabi ni Vergeire.

Sa gitna ng mababang paggamit ng mga booster shot, nagsagawa ang pamahalaan ng mga espesyal na araw ng pagbabakuna simula Setyembre 26.

Inilunsad ng Pilipinas ang kanilang programa sa pagbabakuna laban sa COVID-19 noong Marso 2021, mahigit isang taon matapos itong maitala ang una nitong kaso ng coronavirus.

Sa ngayon, nasa 73 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan laban sa respiratory disease.

Sa bilang na ito, humigit-kumulang 19.2 milyon ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose habang halos 2.7 milyon ang nakatanggap ng kanilang pangalawang booster shot. Jocelyn Tabangcura-Domenden