Balasahan sa DA hirit ni Imee: ‘Wag niyo lokohin ading ko

Balasahan sa DA hirit ni Imee: ‘Wag niyo lokohin ading ko

August 12, 2022 @ 1:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Imee Marcos na napatunayan lang ng  “hindi awtorisado at mapanlinlang” na paggamit ng opisina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa  pag-aangkat ng asukal na pinalilibutan talaga ang Department of Agriculture ng mga smuggler.

Dahil dito, hiniling ni Imee kay PBBM na magpatupad ng malawakang balasahan, ilipat ang mga matataas na opisyal ng departamento at “buwagin ang mga kriminal na sindikato sa loob ng gobyerno.”

“Huwag niyong niloloko ang ading ko,” ani Imee.

Sa pagbanggit ng impormasyon mula sa mga lokal na producer ng asukal, sinabi ni Imee na tumaas ang presyo ng asukal sa mahigit P100 kada kilo dahil hinaharang ito ng mga nangungunang importer ng asukal, at may sabwatan umano ito sa mga opisyal ng DA.

Noong Huwebes, sinabi ng Malacanang na ikinasa na ang imbestigasyon sa pagpapalabas ng Sugar Order No. 4, na umano’y nag-utos sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal bukod pa sa na-import noong Mayo.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ilegal ang awtorisasyon sa pag-import. Sinabi niya na ang kautusan ay lumalabas na nilagdaan ni Undersecretary Leocadio Sebastian.

Sa parehong pahayag, nanawagan din si Imee ng imbestigasyon sa mga opisyal na umano’y sangkot sa pagbaligtad sa import ban sa swine-based processed animal proteins mula sa Italy at iba pang bansang apektado ng African Swine Fever.

“Sebastian himself acknowledged the medium risk posed by the importation of PAP, in the August 5 memorandum he signed to lift the ban,” ani Imee.

Sinabi niya na humigit-kumulang 1,000 baboy ang pinatay sa rehiyon ng Lazio ng Roma noong Hunyo upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Sinabi ng senador na ang pagpapahintulot sa pagpasok ng porcine PAP sa bansa ay maaaring magdulot ng muling pagkabuhay ng ASF, idinagdag na ang mga lokal na swine raisers ay nagpapagaling pa mula sa huling outbreak. RNT