Balasahan sa PNP, asahan para sa 2019 election

Balasahan sa PNP, asahan para sa 2019 election

October 10, 2018 @ 1:52 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakdang magkaroon ng balasahan ang mga opisyal ng Philippine National Police para sa May 2019 local at national elections.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, magpupulong ang kanilang hanay para pag-usapan ito.

“Ito pong araw na ito, pag-aaralan natin lahat, magkakaroon kami ng meeting at pag-aaralan namin kung sino yung mga dapat tanggalin,” pahayag nito sa isang interbyu sa radyo.

“Tatanggalin natin yung mga commander na may mga tumatakbong kamag-anak dun sa lugar nila,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag din ni Albayalde na hindi sila maghihigpit sa pagbibigay ng police escorts para sa mga kandidato pero kailangan lamang ay naka-uniporme sila at para lamang sa proteksyon.

“Yan po ang policy natin tuwing sasapit ang election. Puwede tayong magbigay ng proteksiyon or security detail, pero para maiwasan ang misencounters, lahat po ng itatalaga natin na security detail ng iba’t ibang mga kandidato at mga incumbent ay naka-uniporme,” aniya.

Pinaalalahanan din ng hepe ng pulisya sa kanyang mga tauhan na balak tumakbo para sa 2019 eleciton na sa oras na magpasa sila ng kanilang certificate of candidacy ay kailangang nakapagbitiw na muna sila sa tungkulin. (Remate News Team)