BALAT SA PUWET, MALAS SA TURISMO

BALAT SA PUWET, MALAS SA TURISMO

December 7, 2021 @ 7:11 PM 10 months ago


NASABIK tayo sa nalalapit ng Kapaskuhan habang bumababa ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa nitong ilang linggong nagdaan.

Ngunit biglang lumitaw ang balitang malamang maunsyami ang pagbabalik ng tradisyunal na pagdiriwang ng Pasko dahil sa banta ng Omicron variant ng coronavirus.

Mas mabilis daw at mas malala ang impeksyon na dulot ng SARS CoV-2 strain na ito. Kaya nag-panik na naman ang Presidential Inter-Agency Task Force for the management of emerging infectious diseases at kinansela agad ang international flights mula sa 14 bansa.

Naunsyami rin tuloy ang pagbubukas ng Pilipinas sa international tourism makaraan ang halos dalawang taon mula nang dumating ang Covid-19 na taglay ng ilang turista galing Wuhan City, Hubei, China.

Sino kaya itong may balat sa puwet na opisyal na sinasabing nagdala ng kamalasan sa industriya ng turismo?
Kaya mga pauwing Pilipino citizens lang muna ang pinapayagang makapasok sa bansa at sasailalim sa 14-day quarantine lalo na ‘yung mga galing sa red-listed countries.

Ang Omicron variant ay umusbong sa South Africa at mahigit 500 kaso na ang natukoy sa 38 bansa, kabilang ang USA at Canada. Ngunit wala pa namang naiulat na namatay kahit sinasabing “mas deadly kaysa Delta variant” ang Omicron.

Ang totoo, hindi pa alam kung gaano kabangis ang naturang Covid strain, sabi ng World Health Organization. Kaya huwag tayong mataranta at magpanic, lalo na kayong mga nandyan sa IATF.

Huwag sana kayong maging overacting. Sinisira n’yo ang trip ng mga Pilipino ngayong kapaskuhan.

Dapat lang na mag-ingat nang husto at magpabakuna ‘yung hindi pa nagpapabakuna. At maghanda ang mga ospital para sa mangalaga sa mga magkakasakit.

Maraming salamat sa mga private medical institutions at mga frontliners dahil hindi talaga maaasahan ang Department of Health sa pagseserbisyo-publiko na siyang sinisiyasat pa ng Senate blue ribbon committee.

Samantala, iyang Alert System at ‘yang granular lockdown approach ay mukhang mas epektibo kaysa sa dating community quarantine system na pakulo ng IATF.

Congrats din sa National Task Force against Covid-19 na pinamumunuan ni Vaccine Czar Carlito Galvez in partnership with the local government units (LGUs).