BALI BOMBER LAYA NA; ANONG SAY NG HR GROUP?

BALI BOMBER LAYA NA; ANONG SAY NG HR GROUP?

December 10, 2022 @ 11:43 AM 2 months ago


MAAALAALA pa ba ninyo ang Bali bombing sa Indonesia na naganap noong Oktubre 12, 2002?

Nasa 202 ang namatay noon sa panturistang lugar pero tila walang Pinoy na napabilang dito.

Para malinaw, heto ang rekord ng mga nasawi: 88 mula sa Australian; 38 – Indonesia; 23 – United Kingdom; 7 – United States; 6- Germany; 5 – Sweden;  4 – France; 4- The Netherlands; 3 – Denmark; 3 – Switzerland; 2 – Brazil; 2- Canada; 2- Japan; 2- New Zeland; 2 – South Africa; 2 – South Korea; 1 – Ecuador; 1 – Greece; 1 – Italy; 1 – Poland; 1 – Portugal; 1- Taiwan; at 3 – hindi nalaman.

BOMBER PINALAYA KAMAKALAWA

Sa kabila ng krimen ni Hisyam bin Alizein alyas Umar Patek na isang Indonesian, pinalaya na siya sa kulungan ng pamahalaang Indonesia matapos nitong bunuin ang kalahati ng sentensyang 20 taong pagkakulong.

Idineklara siyang guilty ng West Jakarta District Court.

Lumabas na siya ang gumawa ng car bomb na pinasabog sa tabi ng Sari Club sa Kuta at backpack bomb sa Paddy’s Pub nightclub malapit din sa lugar.

Halos magkasabay na sumabog ang mga bomba ngunit lumitaw na ibang tao ang pumindot sa mga switch ng mga bomba.

Miyembro si Umar Patek at kasama niyang nambomba ng Jemaah Islamiyah, isang sangay ng Al Qaida, na meron ding sangay sa mahal kong Pinas.

PANLABAN SA IBA PANG TERORISTA

Katwiran ng pamahalaang Indonesia, nagpakabuti si Patek sa loob ng kulungan at nagkaroon ito ng mga pagbabawas ng kanyang sentensya kaya siya binigyan ng parole.

Maalala pa ba ninyo, mga Bro, ang kinontra ni dating Pangulong Digong na pagpapalaya ng Bureau of Corrections sa mga nakagawa ng karima-rimarim na mga krimen dahil sa good behavior?

Nagkaroon ng good behavior si Patek kaya pagkaraan ng kalahati ng sentensya, pinalaya na siya at inihatid pa siya ng mga jail guard sa kanyang bahay sa Surabaya.

Sabi pa ng Indonesia, gagamitin si Patek sa pagkumbinse sa iba pang kapwa niya terorista na magbago na sa buhay.

Pero meron pa ring kondisyon: Magpapatuloy siya sa ilalim ng pag-aaral tungo sa pagbabago at huwag na huwag siyang gumawa ng anomang krimen, kung hindi, eh, balik-kulungan siya.

ANG HUMAN RIGHTS GROUP

Ano kaya ang masasabi ng human rights group dito?

Unang umangal ang mga pamilya ng mga biktima sa Australia at maaaring sumunod ang iba.

Gusto nating malaman kung ano ang posisyon ng human rights groups sa kasong ito.

Pero may sariling batas ang Indonesia na sabihin nating dapat respetuhin.

Dito sa Pilipinas, walang karapatan ang convict na nakagawa heinous crime na mabigyan ng parole.

Heinous crime ang ginawa ni Patek sa pagpatay ng 202 sa pamamagitan ng bomba.

Kapag may magbigay ng parole sa ganitong uri ng kriminal, maaaring masibak siya sa tungkulin.