“BALIK-BAYAN SA MANILA” KAYA?

“BALIK-BAYAN SA MANILA” KAYA?

September 9, 2022 @ 7:03 PM 4 weeks ago


NGAYONG halos bumabalik na ang lahat sa normal, sinisikap ng mga namumuno sa atin sa larangan ng turismo na muling pasiglahin ito.

Sari-saring programa at maging ng mga ‘slogan’ ang ginagawa at ginagamit ng ating Department of Tourism para lamang makaakit ng mga turista sa ibang bansa at maging ng ating mga kababayan na nangibang-bayan, para pumasyal sa ating sariling bayan at makita ang mga naggagandahan mga tanawin at lugar.

Sa kwento nga ng isang ‘marites’ na kakilala ko sa DoT, nag-aagawan daw sa credit itong namumuno sa departamento at isa pang kalihim ng iba namang kagawaran sa naisip nilang ideya, para mahikayat ang ating mga kababayan na muling bumisita sa bansa.

Ang isa kasi sa kanila ay minungkahi na bigyan ng insentibo ang mga kababayan nating magbabalik-bayan na may dala pang mga kaibigan o turista. Samantala, ang mungkahi naman ng isang pang kalihim ay tutukan ang pagbalik ng ating Overseas Filipino Workers , lalo na sa panahon ng Kapaskuhan, na kung sila ay uuwi o magbabakasyon, mabigyan sila ng mga libreng accomodation o mga pribilehiyo sa mga lugar nilang papasyalan.

Maganda naman pareho ang kanilang mga ideya at hindi na dapat pagtalunan, bagkus ay gawin na lang ito pareho ng DoT.

Kung inyo rin matatandaan nagawa na nga ito dati noong panahon ni DoT Secretary Mina Gabor noong 1990 kung saan ang slogan na “Bring Home a Friend” ang pang-akit sa ating mga kababayang naninirahan sa ibang bansa at maging sa mga turista.

Pagkarami-rami ng slogan ang nagpalakas ng ating turismo. Nagsimula sa ‘ Fiesta Islands Philippines noong 1989 at nasundan na ng ‘Visit Philippines’; ‘Pilipinas Kay Ganda’ na sandali lang nagamit dahil sa kontrobersiya na may kahawig daw ito; ang medyo nagtagal na ‘WOW Philippines’ at ang ‘It’s more fun in the Philippines.’

Maganda naman lahat at umani ng maraming turista ang nakapunta rito sa Pinas. Pero ngayong bago na naman ang administrasyon, pihadong mag-iisip at uupa pa muli ng mga higanteng advertising firm ang DoT para makagawa ng magarang slogan na aakit sa mga turista.

Mayroon akong naisip, nasa inyo at sa DoT na ang pagpasya kung maaari nga itong gamitin.
“Balik Bayan sa Manila”, kaya?
oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!