Balik-DA ni Sebastian pag-aaralan pa-PBBM

Balik-DA ni Sebastian pag-aaralan pa-PBBM

January 6, 2023 @ 7:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pa masabi ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang plano niya kay dating Undersecretary Leocadio Sebastian matapos na makasama ito sa mga dating mga opisyal ng Agriculture at Sugar Regulatory Administration (SRA) na inabswelto ng Office of the President (OP) sa di umano’y iligal na pag-isyu ng Sugar Order Number 4.

“Well, whatever plans we have for Undersecretary Sebastian, I think he should hear them first, not over the news. So pag-uusapan namin. Because we are mindful of the decision,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam.

“It was basically a mistake, a procedural mistake that happened. So we’ll proceed on that basis,” dagdag na wika nito.

Matatandaang, sa 10 pahinang desisyon na may petsang December 29, 2022 sinabi ng Office of the President inabsuwelto nito sa pananagutan ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Regulation (SRA) dahil ang Sugar Order 4 daw ay ginawa dahil sa “good faith.”

Bukod dito, inakala din umano ng mga respondents na sila ay otorisado sa Sugar Order 4 dahil sa miscommunication.

Ang apat na opisyal ay nasampahan ng kasong grave misconduct, gross dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service na may kaugnayan sa Sugar Order No. 4.

Paliwanag ng Office of the President, ang miscommunication ay nag-ugat sa July 15, 2022 memorandum ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez na pumapayag sa pag-upo noon ni Undersecretary Leocadio Sebastian bilang ex-officio chairman ng Sugar Regulatory Board.

Ang July 15, 2022 memo ay naging daan para pirmahan ni Sebastian ang kontrata at iba pang dokumento na kinakailangan ng departamento para sa kanilang objectives, policies, functions, plans, programs at projects para sa sapat at epektibong operasyon ng Department of Agriculture.

Nakasaad pa sa desisyon ng ng Office of the President na ang Sugar Order No. 4 ay inihanda bilang direktiba ng pangulo na gumawa ng mahalagang plano at ang draft nito ay ipinadala kay dating executive secretary Rodriguez.

Binanggit din ng Office of the President na hindi nakitaan ang naturang mga opisyal ng intesiyon nilang manlinlang o mag-misrepresent at hindi ito maituturing na dishonesty. RNT